Simula ng matinding hamon

NABABATO ng kantiyaw si dating PBA Press Corps president Musong Castillo patungkol sa pangyayaring kaibigan niyang matalik si Globalport head coach Pido Jarencio.

Sa totoo lang, kaibigan naman ng lahat ng mga sportswriters si Pido. Katunayan ay maitutring ding ‘sangga’ kami dahil sa magkalapit ang aming mga birthdays sa unang linggo ng Setyembre.

Nakakantiyawan si Musong dahil sa very concerned siya sa paghahanap ng bagong coach ng University of Santo Tomas Growling Tigers na iniwan ni Jarencio nang tanggapin nito ang head coaching job ng Batang Pier kapalit ni Ritchie Ticzon.

Si Musong at si Pido ay nag-abot bilang mga Growling Tigers (noo’y Glowing Goldies pa) sa ilalim ni Charlie Badion.
“Pare, sabihin mo sa UST huwag na maghanap ng kapalit at baka puwede pa bumalik si Pido!”

Iyan ang kantiyaw kay Musong.  Ito’y bunga ng pangyayaring tila hindi makakarating sa quarterfinals ng  PLDT Home TVolution PBA Commissioner’s Cup ang Globalport na hanggang sa oras na isinusulat ito ay siyang tanging koponang hindi pa nakakatikim ng panalo sa torneo.

Tinambakan sila ng Rain Or Shine noong Lunes ng gabi upang matali sa ibaba ng standings sa record na 0-7. Bagamat biro lang iyon, masakit kung tutuusin!

Hindi na naman talaga makakabalik si Pido sa UST dahil sa dalawang taon ang kontratang pinirmahan nito sa Globalport.
Isa pa’y tila nakahanap na ng kapalit ang UST matapos na ma-evaluate ang mga kandidatong kinabibilangan nina assistant coach Ernesto Ballesteros, Segundo dela Cruz III at Gerard Francisco.

Hindi ko alam kung naihayag na ang successor ni Pido pero sa aking pagkakaalam ay final na ang decision. Realistically speaking, wala nang pag-asang makarating sa susunod na round ang Batang Pier although kung probability ang pag-uusapan, may manipis na manipis na tsansa.

Ito’y kung mananalo ang Batang Pier sa huli nitong dalawang laro at hindi na magwawagi ang Barangay Ginebra at Barako Bull na kapwa may 2-4 records.

Sa ganitong scenario ay magtatabla ang Globalport, Barangay Ginebra at Barako Bull sa kartang 2-7 at magkakaroon ng playoff para sa ikawalong puwesto.

Sa ilalim ng tournament format, ang ikasiyam at ikasampung koponan pagkatapos ng elims ay malalaglag. Ang ikapito’t ikawalo ay makakalaban ng top two teams na may twice-to-beat advantage sa quarterfinals.

Sa tingin ninyo ba’y pusible pang mangyari ang scenario na ito? Mamaya kasi ay may laban ang Gin Kings at Energy at kung may isang magwawagi sa kanila, tapos na ang tsansa ng Globalport.

So masasabi nating “charge to experience” na lang ang conference na ito para kay Jarencio.  Kung ano mang buti ang nakita o nasilip niya sa kanyang koponan, marahil ay nararapat na hulmahin na lang niya nang husto para sa third conference kung saan siya puwedeng makabawi.

Hindi naman end of the world para kay Jarencio at sa Batang Pier  ang pagkakalaglag nila, e.  Simula lang iyan ng isang napakatinding hamon!

Read more...