NAGKABATI na ang dalawang Kapamilya actress na sina Maja Salvador at Kim Chiu. Kung paniniwalaan ang mga chika na kumalat sa social media kahapon, mukhang tinuldukan na nga ng dating mag-best friends ang kanilang matagal nang hidwaan nang dahil kay Gerald Anderson.
Sa pamamagitan ng Twitter account ng friendship nating si Ogie Diaz, nabatid na nagkita at nagkausap na sina Maja at Kim ilang araw na ang nakararaan.
Mutual ang decision ng dalawang aktres at walang sinumang namilit sa kanila para magkaayos. “Yehey! Bati na pala sina @dprincessmaja at @prinsesachinita last week.
Nagkita sila at nagkatsikahan na. #SarapNgFeeling,” tweet ni Ogie. Nabasa rin namin ang ipinost ng ating kaibigan at PR ng Dreamscape Entertainment ng ABS-CBN na si Eric John Salut, at kahit na wala siyang binanggit na pangalan, maraming netizens ang nagpalagay na sina Kim at Maja ang kanyang tinutukoy, aniya sa kanyang tweet, “Finally, they have reconciled. Thank you LORD. Bless them more Oh LORD.”
Bukod dito, naibalita rin na wala na ring tensiyon sa pagitan nina Kim at dating boyfriend na si Gerald, nagkaroon din daw kasi ng chance na makapag-usap ang dalawa.
Tweet pa nga ni mareng Ogie, “Usap na din sina gerald at @prinsesachinita kanina. Nagbibiruan pa nga sila. All’s well that ends well. ‘Sarap ng walang kaaway!’ –kim!”
Parang kinumpirma na rin ito ni Eric John matapos itong mag-post ng isang picture kung saan kasama ni Gerald ang ate ni Kim na si Kam Chiu together with Dreamscape Entertainment head Deo Endrinal.
Kung matatandaan, nasira ang pagkakaibigan nina Maja at Kim nang malaman ng huli na nagkakamabutihan na ang ex-dyowa niyang si Gerald at si Maja na super close nga sa kanya noon.
Kamakailan lang ay natsismis muli ang dalawa matapos ngang sagutin ni Kim sa kanyang Instagram account ang naging pahayag ni Maja na pasasaan ba’t magkakaayos din sila.
Naging kontrobersiyal ang post ni Kim na, “Promo-promo lang din pag may time,” na sinasabing para kay Maja.
( Photo credit to EAS )