Joyce Bernal nakiusap pa kay Solenn na ‘gamutin’ si Vhong


Aminado si Vhong Navarro na kabado siya sa muli niyang pagharap sa entertainment media sa ginanap na presscon ng “Da Possessed” noong Linggo

“Itong presscon na ito,  mahirap para sa akin na umupo sa harap ninyo pero ako po ay naglakas-loob para makapagpasalamat nang harap-harapan sa inyo.

“Hindi ko po alam kung ano yung nawala sa akin, feeling ko po nawala ang kumpiyansa. Nagkaroon po ako ng trauma. Pero kinakausap ako ni Direk Joyce Bernal.

Tinapat niya ako na kailangan na may gawin kami para mabalik ‘yung character ko sa pelikula. “Kinausap niya si Solenn Heussaff na tulungan ako na maibalik ‘yon.

Kaya nagpapasalamat ako kay Solenn at saka kay direk Joyce,” bungad paliwanag ng aktor-TV host. “Ang gusto ko lang talaga at lagi ko itong iniisip kahit anong dumating na pagsubok sa buhay, ang importante sa akin ay magpasaya ng tao.

“Hindi ko iniisip kung ano ang nangyayari sa buhay ko, kasi kung anong dumating sa buhay ko dumating ito. Bigay ni God.
“At alam kong malalagpasan ko ito sa tulong ng ating mga madlang pipol, sa inyong lahat, at sa mga kaibigan ko.

Basta sa akin, ang importante sa akin, magpasaya ng tao,” mahabang pahayag ni Vhong. Hindi rin itinanggi ni Vhong nang magbalik-shooting siya ng “Da Possessed” na sobrang kabado siya at kung minsan ay napipipi siya sa mga dialogue niya sa pelikula.

Kuwento nga ng aktor, “Nu’ng nag-shoot kami, may linya ako na hindi ko mabanggit. Parang unang shooting day ko ulit. Niloloko nga ako ni Direk Joyce, ‘Kaya mo pa ba? Gusto mo palitan na kita?’

“Sabi ko (kay direk Joyce), ‘Pero wala kang choice, Direk. Kasi may playdate tayo.’ Ganu’n na lang namin binabali ang sitwasyon para hindi ko maalaala ang nangyari,” kuwento ng komedyante.

‘Yung nangyari kay Vhong nu’ng gabi ng Enero 22 kung saan nabugbog siya ay akala niya sa pelikula o teleserye lang nangyayari, hindi niya inakalang puwede rin pala iyon sa tunay na buhay.

Ikinuwento rin ni Vhong na maski noong bumalik siya sa Showtime pagkalipas ng mahigit isang buwan ay nanibago raw siya. May agam-agam na baka hindi siya tanggapin ng madlang pipol.

Noong unang balik ko sa telebisyon, ang hirap, e. Kasi hindi ko alam kung paano ako matatanggap uli ng tao. “Siyempre, hindi naman natin mapi-please lahat na, ‘O, tanggapin n’yo si Vhong kasi nagsasabi siya ng katotohanan.’

Hindi natin mapi-please lahat, pero ako po, ang sinabi ko ang katotohanan, kung ano ang totoo at kung ano ang nangyari.
“Ngayon, itong pelikula, hindi n’yo maaalis na kabahan ako, kasi hindi lahat napi-please natin,” kuwento ng komedyante.

Samantala, kinlaro ng taga-Star Cinema na wala raw alam ang cast kung sinu-sino ang  kasama sa “Da Possessed”. Ito’y may kinalaman sa issue tungkol sa pagkakatanggal kay Ellen Adarna sa movie na balitang may kuneksiyon kay Cedric Lee, ang nambugbog kay Vhong.

Nauna nang sinabi ni Vhong na wala siyang kinalaman dito. “Clarify lang namin, walang kinalaman ang cast sa decision ng management.

We tried to get other actresses for the role pero ang dami-dami po talagang ginagawang projects at hindi nagkakatagpo ang schedule, at may playdate kami na April 19.

The management had to make a decision,” sabi ng taga-Star Cinema. Samantala, kakaibang Vhong Navarro na naman ang mapapanood sa “Da Possessed” sa Abril 19 mula sa Star Cinema at Regal Entertainment.

Kasama rin dito sina Smokey Manaloto, Empoy, John Lapus, Beverly Salviejo, Lito Pimentel, Joy Viado, Aaliyah Belmoro, Matet de Leon at Joey Marquez.

( Photo credit to EAS )

Read more...