Kiko Matos gustong sundan ang yapak ni Coco


KAHIT nagbida na sa pelikulang “Mumbai Love”, pumayag pa ring maging support ang dating Kapamilya actor na si Kiko Matos sa bagong indie movie na pinagbibidahan ni Irma Adlawan.

Ang tinutukoy namin ay ang “EDNA” na first directorial job naman ng award-winning character actor na si Ronnie Lazaro under  Artiste Entertainment Works International, Inc., na pag-aari ng negosyanteng si Mr. Anthony Gedang.

Ang Artiste Entertainment Works din ang nag-produce ng mga classic indie movies na “Ataul For Rent” at “Casa”. Ang latest offering ng Artiste Entertainment ay ito ngang “EDNA”, ito’y tungkol sa naging buhay ng isang OFW na si Edna na ginagampanan nga ni Irma Adlawan at kung paano niya hinarap ang lahat ng mga pagsubok na dumaan sa buhay niya at sa kanyang pamilya.

May pagka-psycho-suspense ang pelikula, kuwento sa amin ni Kiko Matos nang makachikahan namin sa bahay mismo ng producer ng movie na si Mr. Anthony.

Chika pa ni Kiko, walang problema sa kanya kung supporting role lang siya sa “EDNA”, sulit naman daw ito dahil nakasama niya ang ilan sa inirerespeto at premyadong artista sa Pinas, lalo na at ito ang unang pagsabak ni Ronnie Lazaro sa pagdidirek.

Idol na idol ni Kiko si Coco Martin na nagsimula rin sa pa-extra-extra pero napakalaking artista na ngayon. Hangang-hanga siya sa galing ni Coco bilang aktor, “Mata pa lang, kahit walang dialogue, sobrang galing na niya!”

Ito ay isinulat ni Larry Manda, mula sa screenplay ni Lallie Bucoy. Makakasama rin as “EDNA” sina Nicco Manalo, Sue Prado, Frances Makil, Mara Marasigan at Micko Laurente.

Pero bago nga ito ipalabas dito sa Pilipinas, ipinadala muna ito ng Artiste Entertainment  sa Cannes film festival. Hinihintay na lang nila ang tawag ng organizers kung pasok sila sa nasabing international filmfest.

 

Read more...