Afritada, ang ulam na tisoy


Ang afritada ay isang uri ng pagluluto na minana natin mula sa mga Mexicano. Doon ay kilala ito bilang fritata o fritada, na ang ibig sabihin ay prito o prinito at pagkatapos ay pinakuluan sa sabaw.

Sa pangalan pa lamang, tisoy na tisoy na ang dating nito. Dapat tandaan, karamihan ng lutuing Pilipino na sinangkapan ng kamatis, patatas at bell pepper ay mula sa Mexico.

Mayroong bersyon ng afritada sa Mexico na hinahaluan ng white beans (‘yung beans na kalimitan ay nakikita natin sa halo-halo) at patani (Lima beans), o di kaya, ay green beans (na ang tawag natin ay Baguio Beans).

Ang tradisyonal na afritada ay ginagamitan din ng sari wang kamatis at hindi de-latang tomato sauce. Maaaring sabihin na ang afritada ay isang uri ng adobo dahil sa paraan ng pagluluto nito na “braising,” kung saan ang manok o karne ay piniprito nang bahagya at pagkatapos ay nilalaga na dahan-dahan sa sarsa ng kamatis sa isang kaldero na may sahog na patatas.

Ang patatas ang siyang nagpapalapot nito. Ang sikreto ng masarap na afritada ay ang paggamit ng pinakuluang sabaw ng manok. Maaaring magpakulo ng mga parte ng manok na karaniwang tinatapon tulad ng leeg, likuran at paa.

Maghanda ng apat na tasang tubig at isang kurot ng asin at pakuluan upang makagawa ng soup stock. Upang lumapot nang bahagya ang sabaw nito, ihalo ang ginayat na patatas sa gagamiting pinakulong sabaw ng manok saka ihalo ito sa nilulutong afritada.

Ang patatas ay nagtataglay ng starch o gawgaw na makakatulong sa pagpapalapot. Kung nais naman ang manamis-namis na sabaw, imbes na patatas, sangkapan ito ng kamote.

Afritada ng Sagay
Ayon sa aking kaibigan na si Jun Macam, isang artist, designer at cook na tubong-Sagay, Negros Occidental, ang afritada ay isa sa kanyang paboritong pagkain ng kanyang kabataan sa kanyang tinubuang bayan.

Mayaman sa sangkap ang Afritada ng Sagay dahil, bukod sa manok na hiniwa ayon sa iyong nais, ito ay tinatampukan din ng bawang, sibuyas, kamatis, patatas, carrots, bell pepper, green peas, broccoli, chorizo de Bilbao, at tinimplahan ng tomato sauce, toyo, suka, asukal, paprika, olive oil, asin at paminta ayon sa panlasa.

Ang kahanga-hanga sa afritada resipe ng mga taga-Sagay ay ang paggamit ng gatas o evaporated milk at kinihad, isang uri ng pinatuyong tinapay o biscocho, ngunit wala itong mantekilya o asukal. Ito ay dinudurog sa pamamagitan ng pagkiskis sa dalawang palad upang makabuo ng pinong-pinong mumo na nagbibigay ng kakaibang lapot sa sarsa.

Estilo ng paggawa
Prituhin nang mabuti ang manok. Siguraduhin na ang manok ay maluto nang mabuti. Itabi ang manok sa isang parte ng kaldero at igisa ang mga pangunahing rekado tulad ng sibuyas, kamatis, bawang at paprika powder.

Isunod ang carrots at patatas. Kapag naluto na ito, ihalo muli ang manok. Timplahan ng toyo at kaunting suka at asukal. Tandaan ns ang lasa nito ay pinaghalong alat, tamis at kaunting asim kaya banayad lang ang paglagay ng suka.

Pagkatapos, ihalo ang tomato sauce, na may kaunting tubig, pasubuhin hanggang ang manok ay lumambot. Idagdag ang green peas, broccoli, bell pepper, chorizo, haluin nang bahagya at pati na rin ang evaporated milk, at ang dinurog na kinihad.

Haluin nang mabuti upang mag-blend nang maayos ang sauce. Tikman at timplahan pa ng asin at paminta kung kinakailangan. Maaaring budburan ng olive oil bago ito ihain.

Ropa Casada
May isa pang resipi na binahagi si Jum Macam na malapit ang uri ng pagluluto sa afritada, ito ang Ropa Casada na sikat din sa kanilang bayan sa Sagay.

Ito ay karaniwang tinatampukan ng mga tira-tirang karne tulad ng lechon o lechon manok na hinaluan ng gulay at maraming maraming kamatis.

Mga sangkap
Gumamit ng iba’t ibang hiwa ng lechon, o inihaw na karne o lechon manok, bawang, sibuyas at maraming kamatis. Maaari ring maglagay ng repolyo at pechay. Hindi dapat mawala ang patatas at carrots, bell pepper, white beans (na niluto na).

Mga panimpla tulad ng toyo, suka, paprika, asin at paminta, tomato paste, olive oil, at dagdag na tubig para makagawa ng sarsa at mantika na pamprito.

Paraan ng paggawa
Igisa sa isang pan na may mainit na mantika ang mga pangunahing rekado: bawang, sibuyas at maraming kamatis na hiniwa ng pinong pino. Idagdag ang mga napiling tira-tirang karne at igisa itong mabuti.

Idagdag ang tomato paste, carrots at patatas, at timplahan ng toyo, suka, kaunting asukal at katamtamang tubig upang makabuo ng sarsa.

Pabayaang pasubuhin ng ilang minuto upang matuyo ang tubig ng bahagya o hanggang lumambot ang carrots at patatas. Kaagad idagdag ang repolyo, pechay, bell pepper at white beans.

Timplahan ng asin at paminta, ayon sa panlasa. Wisikan ng kaunting olive oil at paprika powder bago ihain.

Classic Afritada

Mga sangkap
2 tasang  pinakuluang sabaw ng manok
1 pakete o 200 grams ng tomato sauce
2 kutsarang patis
Paminta, ayon sa panlasa
3 kutsarang mantika
1 kilong manok, hiniwa sa nais na sukat
6 pirasong patatas, binalatan at hiniwa sa apat na bahagi
1 sibuyas pula, hiniwa ng pahalang
2 dahon ng laurel
1 ulo ng bawang, pinitpit at inalis ang balat
Tig-isang pula at berdeng bell pepper, hiniwa nang pahaba

Paraan ng paggawa
Sa isang kawali, mag-init ng mantika sa katamtamang init ng apoy at sabay na gisahin ang sibuyas, bawang, at dahon ng laurel. Kapag nangangamoy na ito, ihalo ang mga manok at sangkutsahin hanggang ang mga manok ay magkulay na ginintuang kayumanggi. Idagdag ang patatas. Lutuin ito ng 10 pang minuto.

Ibuhos ang dalawang tasa ng sabaw ng manok at tomato sauce, halu-haluin. Lakasan ang apoy at kapag nagsimula na itong kumulo, hinaan nang bahagya ang apoy at pabayaan itong sumubo ng 15 hanggang 20 minuto o hanggang makakatiyak na luto nang lubusan ang manok at ang patatas.

Idagdag ang mga bell pepper at ipagpatuloy ang pagsubo ng sabaw ng mga limang minuto at timplahan ang afritada ng patis at paminta, ayon sa inyong panlasa.

Mainit na kanin, atchara at patis na may kalamansi lamang ang kailangan at tiyak, patok na ang inyong tanghalian o hapunan.

Kung may mungkahi, reaksyon o katanungan, mag-text po lamang sa Smart: 0947 693 0231 at sa Globe/TM: 0936 591 6380. Huwag kalimutan isulat ang pangalan at lugar. Salamat po.

( Photo credit to Jun Macam )

Read more...