IYAN ang nagkakaisang pananaw ng mga regular na pasahero ng MRT3 dahil sa araw-araw na nararanasang kilo-kilometrong pila, palpak na tren na bukod sa mabagal at biglang pagpe-preno, andyan yung bigla-biglang mawawalan ng kuryente at hihinto.
Anyare? Talaga bang luma lang ang tren o palpak ang sistema? O baka naman, sinasadya?
Merong paparating na 48 bagong Light Rail Vehicles (LRV) para sa MRT3 mula sa lone bidder na Chinese contractor -Dalian Locomotive and Rolling Stock co., CNR Group of China. Base ito sa P3.77 bilyong kontrata na inaward ng DOTC noong Feb. 21.
Ang pondo ay MRT3 capacity expansion project, na ayon kay DOTC Sec. Joseph Abaya, ay galing sa kontrobersyal na Disbursement Acceleration Program ( DAP) na kontrobersyal na hanggang ngayon ay inaalam ng Korte Suprema kung legal ba.
Bago pa ito, ibinunyag ng isang Czech companya ang ang umano’y $30 milyon extortion attempt nina MRT gen. mgr. Al Vitangcol at isang Wilson de Vera. Ang nag-aakusa ay mismong si Inekon CEO Josef Husek. Walong buwan na ang nakakaraan nang pasimulan ang imbetsigasyon pero wala pa ring resulta.
May balita na “cleared” na raw si Vitangcol pero madaling itinanggi ni Justice Sec. Leila de Lima.
Habang ang lahat ay sumisigaw na dapat na talagang I-upgrade ang serbisyo ng MRT, panay ang pahayag ng DOTC na parating na ang prototype na mga bagong trains mula sa Dalian locomotive sa taong ito, at sa 2015 at 2016 makakahinga na tayo ng maluwag.
Pero, ano ang mga isyu na hindi sinasabi sa atin?
Una, ang tumatakbong 73 light rail vehicles (LRV) sa MRT ngayon ay gawa sa Czechoslovakia sa ilalim ng BOT project noong 1999 ng gobyerno at CKD Prague na nabili naman ng Siemens noon at ngayo’y ng Inekon.
Ikalawa, ang kukunin bang bagong bagon sa Dalian locomotive sa China ay “compatible” sa kasalukuyang MRT technology natin na galing Czechoslovakia?
Ayon sa ocular inspection ng DOTC sa Dalian company sa China, “fit at adequate” daw ito bukod sa impressive pa ang pasilidad.
Ngayon, pa lang sinisiraan na ng MRTC ang bagong Chinese supplier na umano’y walang “international experience” sa light rail vehicles na ginagamit natin sa EDSA.
Ang mga proyekto raw ng Dalian-CNR sa Mershad- Metro project sa Iran ay rapid transit o metro system samantalang sa Northern China ay elevated rapid transit system.
Umakma kaya ito sa kasalukuyang signalling at power supply system na ginagamit ng trains mula sa Czechoslovakia at ngayo’y magiging galing sa China?
Ikatlo, ano itong isyu ng “artificial bogeys” na kailangan daw sa MRT3 para hindi magdulot ng aksidente tulad ng derailment at iba pa sa mga sharp corners ng riles.
Ayon kay Lee Shengli, isang train expert at retiree ng Chinese Ministry of railways na lumabas sa pahayagang Tribune, ang CNR Dalian ay kilala sa mga diesel locomotives at hindi sa alinmang light rail vehicles o metro vehicles. Importante raw na matiyak ang reliability at safety ng technology bago ito gamitin.
Ikaapat, dahil ang pondo na gagamitin dito ay galing sa DAP (na siya rin daw na ginamit bilang dagdag na pork barrel sa mga senador at kongresista para maisulong ang impeachment ni dating Chief Justice Renato Corona), papaano na kaya ang proyekto kung sakaling sabihin ng Korte Suprema na unconstitutional ito? Mahinto kaya ang pagbili ng tren?
Masakit mang sabihin, meron talagang mga sector na natutuwa kapag sunud sunod ang problema sa kasalukuyang MRT. Tuwang tuwa sila kapag humahaba ang pila, pag nasisira ang tren galing Czechoslovakia, pag mabagal ang biyahe .
Araw-araw, merong problema at araw-araw din ang salaulang operasyon ng MRT.
At ang timon sa masamang serbisyo nito ay walang iba kundi si Vitangcol bilang general manager.
Gumaganti kaya siya sa Inekon, manufacturer ng kasalukuyang Czech manufactured MRT trains, matapos siyang akusahan ng CEO nito ng pangingikil ng $30-M at ngayo’y inimbestigahan pa ng NBI? O talagang sira-sira na ngayon ang mga tren ng Inekon kaya sumasablay na?
Hindi bobo ang mga Pinoy, maliwanag na merong “mamahaling laro” na nangyayari diyan sa MRT 3.