SAPAT ang ginawa ni dating two-division world champion Brian Viloria para talunin si Juan Herrera ng Puerto Rico kahapon sa labang ginawa sa Texas Station Casino sa Las Vegas, Nevada, USA.
Hindi man kasing tikas kumpara sa mga nagdaang laban, kontrolado naman ng 33-anyos na si Viloria ang 24-anyos na katunggali para kunin ang 98-92, 98-92, 97-93 unanimous decision panalo sa unang laban sa taong 2014.
Huling sumampa ng ring ang tubong Waipahu, Hawaii na si Viloria noon pang Abril 6 at lumasap siya ng split decision kabiguan sa kamay ni Juan Francisco Estrada ng Mexico para sa WBA at WBO flyweight title.
Ang labang ito ay tune-up fight ni Viloria dahil nakaplano na isama siya sa card ng Top Rank sa Mayo 31 sa Macau, China na pagbibidahan nina Nonito ‘Filipino Flash’ Donaire Jr. at Simpiwe Vetyeka ng South Africa para sa WBA at IBO featherweight title ng South African boxer.
Ito ang ika-33 panalo sa 39 laban ni Viloria habang si Herrera ay natalo sa ikalawang sunod at pang-walo matapos ang 17 laban.