Nakatsikahan namin ang Barangay Chairman ng Longos, Malabon City na si Angelika dela Cruz ng Barangay Longos, Malabon at apat na araw palang daw siyang nakaupo ay na-Tulfo na raw siya.
“Pag-artista kasi pinagtitripan ng ibang tao, maski sa showbiz di ba, pag hindi ka pa kilala, pagtitripan ka. Tulad ko, four days palang ako, na-Tulfo na ako.
Kasi may babaeng nagpunta ro’n (barangay hall), sabi niya, ‘yung mga tanod ko raw, ginulpi ‘yung anak niya. “Tinanong ko kung nasaan ‘yung anak niya, nandoon pala (kasama) at wala namang kagalus-galos.
Siyempre (nagulat) kasi walang galos, tinanong ko, paano po ba ginawa, ‘binugbog siya (anak), pinukpok siya, ginanyan (hinampas) siya’, e, halatang (gawa-gawa) lang, pero siyempre kailangan ko pa ring kausapin ‘yung mga tanod ko at sabi nga nila, hindi raw.
“Sabi ko na lang sa mga tanod ko, mag-apologize na lang kayo para walang gulo at wala namang mawawala sa inyo kung magpapakumbaba kayo kasi nasa puwesto tayo, so magpakumbaba na lang.
Tapos kinausap ko ‘yung nanay at ‘yung bata kung gusto nilang mag-file ng kaso laban sa tanod at oo nga raw. “Sabi ko, pag nag-file po kayo, siyempre magpa-file rin po sila kasi siyempre ipagtatanggol nila ‘yung sarili nila.
Tapos nu’ng paalis na sila (mag-ina), sabi sa akin, ‘paano ‘yung nagastos sa medico-legal, bayaran n’yo ‘to.’ Sabi ko, “magpa-file po kayo ng kaso, di ba, hindi po namin babayaran ‘yan.’
Hayun, nagsumbong saT3, sa tatlong magkakapatid na Tulfo,” kuwento ng tisay na aktres-politiko. “Pagdating nila ro’n (T3), ‘hindi niya (Angelika), kami hinarap, ang humarap lang sa amin, ‘yung asawa niya!
Hindi naman ‘yung asawa niya ang kapitan, e, ako kausap at may bidyo ako. Sabi ko, ‘ate, nakakalimutan mob a na nagpaalam ako sa inyo na ibi-bidyo ko kayo?’ Sabi sa akin, ‘ay oo nga!’
“Kaya nakakaloka, di ba? In fairness naman sa kanila (Tulfo brothers) at sobrang pasalamat ako kasi di ba, usually, galit kaagad sila sa public servant kapag may nagsusumbong sa kanila, kung baga inalam muna nila (background) kasi wala naman talagang ginawa (tanod).
“Kasi hindi namin siya tao (nanay ng bata), ‘yung kinampanya niya kalaban ko,” detalyadong kuwento ni Kapitana Angelika.
Anyway, kasama si Angelika sa Kambal Sirena na katapat ng Dyesebel at aminado ang aktres na sa sobrang busy niya ay hindi niya napapanood ang programa niya.
Kinunan namin ng reaksyon ang aktres tungkol sa pagkatalo ng Kambal Sirena sa Dyesebel. “Ay, hindi ako aware. Wala naman akong care sa ratings-ratings.
Basta ako, nagtatrabaho ako at ibinibigay ko ang best ko at pagkatapos ng taping, babu na ako. Eversince hindi problema sa akin ang ratings, work-work lang ako,” sabi ni Angelika.