SIYEMPRE naman. Lahat tayo, may load ang mga cellphone. Kapag wala na tayong load at malapit nang mag-“check operator,” gumagawa tayo ng paraan kahit magka-load lang ng P10. Puwede namang utangin yan sa tindahan na nagpapa-load.
Noong sumulpot sa laban ang kompanyang Sun, marami ang nagkibit-balikat na baka hindi nga ito makalaban sa malalakas at naunang Globe at Smart (eh, nauna rin naman ang Islacom, bakit nawala?)
Maaaring ang pananaw ng Sun ay kuntento na ito sa ikatlong puwesto, pero di mawawala sa industriya sa kabila ng patutsada ng mga kalaban na kapag lumubog ang araw ay wala na ring signal ang Sun.
Oo nga naman. Lahat tayo ay may load, kahit na si Sen. Loren Legarda, meron din (at mas marami pa siyang load kesa sa atin).
Kapag may load ang bawat isa sa umaga ay maganda ang pananaw natin sa buong araw. Kapag may load ay marami tayong puwedeng i-text, tawagan at gawin.
Consumer din tayo. At kapag may load ay meron tayong consumer confidence sa araw na ito. At dahil sa nalalapit na Pasko’t eleksyon, mataas ang ating consumer confidence, dahil alam nating may darating na pera, dagdag-trabaho (puwede magnegosyo, kahit maliit, sa Pasko, at puwedeng kumita sa mga politiko kahit di pa nag-uumpisa ang kampanya).
Tulad ng napatunayan ng Bangko Sentral ng Pilipinas sa kanilang survey. May consumer confidence nga.
Pero, di makapaniwala si Loren (yan ang gusto niyang itawag nating lahat sa kanya, na pangalan naman ng pagpapakumbaba, di tulad ng iba na kailangang unahan mo ng “Senator” ang kanilang apilyido kapag tinawag mo sila).
“How can consumer expectations be up when other government agencies are reporting depressing economic developments like our exports going down by 25 percent, ditto with importations, a barometer of consumer appetite or demand?” tanong ni Loren.
Pero, hindi na-gets yan ng mahihirap, ng Class C, D at E. Para sa kanila, kapag may load ang kanilang cellphone pag gising sa umaga, kapag meron silang umuusok ng santasang kape, kapag may hawak silang yosi, solve na.
Kapag nakakapag-malling sila, mas solved. Bukod sa SM, Robinson at Ayala malls, marami pa rin namang malls sa nakakalat sa bansa ang pinapasok ng mahihirap, kahit isang maliit na supot lang ang pinamili, o kahit isang call card lang ang nakayanan.
Mahihirap man sila, meron silang consumer confidence.
BANDERA Editorial, September 14, 2009