Karapatan sa separation pay

MAGANDANG araw po sa Aksyon Line Ako po ay si Camille Farcon at may dalawang taon na nagtrabaho sa isang restaurant dito sa Poblacion, San Jose del Monte, Bulacan pero noon lamang pong isang linggo ay tinanggal ako sa trabaho ng aking amo at hindi ko po talaga alam ang dahilan. Nang tanungin ko po ang amo ko ang sabi sa akin ay kailangan na raw nilang magbawas ng empleyado dahil wala na raw pang pasweldo .

Tama po ba ang sinabi ng kaibigan ko dapat ay may separation pay akong matatanggap mula sa aking employer?.
Kailangan ko po ba itong habulin o pabayaan na lang? Kng makukuha ko po ang pera mula sa employer malaking tulong po ito para magamit ko sa paghahanap ng bagong trabaho.
Salamat po,
Camille

REPLY Dapat mong tandaan Camille na ang sinumang manggagawa ay may karapatan sa separation pay kung siya ay nahiwalay sa trabaho at ito ay nakasaad sa Artikulo 297 at 298 ng Labor Code of the Philippines.

Ang karapatan ng manggagawa sa separation pay ay nakabase dahilan ng kanyang pagkakahiwalay sa serbisyo.

Maaring mahiwalay sa trabaho ang manggagawa kung may makatuwirang kadahilanan (i.e., malubha o palagiang pagpapabaya ng manggagawa sa kanyang tungkulin, pandaraya, o pagawa ng krimen), at iba pang mga kahalintulad na dahilan na nakasaad sa Artikulo 296 ng Labor Code.

Sa pangkalahatan, maaari lamang magkaroon ng bayad sa paghihiwalay sa trabaho kung may mga awtorisadong rason.

Sinumang manggagawa ay may karapatan na mabayaran sa pagkakahiwalay sa trabaho katumbas ng kalahating buwang sahod sa bawat taon ng serbisyo. Ang panahong di-kukulangin sa anim na buwan ay dapat ituring na isang buong taon, kung ang dahilan ng pagkakahiwalay sa trabaho ay ang sumusunod :
Pagtitipid sa gastos upang maiwasan ang pagkalugi.

Pagsasara o pagtigil ng operasyon ng establisimyento o negosyo.
Kung ang manggagawa ay napag-alamang may sakit na hindi mapagagaling sa loob ng anim na buwan at ang kanyang patuloy na pagtatrabaho ay makakasama sa kanyang kalusugan at sa kalusugan ng kanyang mga kapwa manggagawa.

Kung ang manggagawa ay nakapagserbisyo na ng hindi bababa ng anim na buwan, siya ay may kara-patan na bayaran ng isang buwang sahod.

At sa kaso mo Camille maaari mong balikan ang iyong employer at kunin ang karampatang benepisyo o separation pay sakali namang hindi ito ibigay ng iyong employer maaari kang magtungo sa DOLE office sa Bulacan at doon ay may SENA officer at ireklamo ang iyong employer.
Nicon Fameronag
Director for
Communication
DOLE

Hangad ng Aksyon Line na buong puso namin kayong mapag- lingkuran sa abot ng aming makakaya.
Kaya naman huwag kayong mag-atubiling sumulat sa Aksyon Line c/o Inquirer
Bandera, MRP bldg., Mola St. cor. Pasong Tirad st., Makati City.
Maaari rin kayong mag-email sa jenniferbilog@yahoo.com.ph or jenniferbilog97@gmail.
com Serbisyo publiko sa AKSYON LINE. Kakampi mo! Maaasahan!

Read more...