ANG kuya ng isang babaeng Supreme Court justice ay nanggagamit ng pangalan ng kanyang ka-patid upang manggantso ng pera sa maraming tao.
“Di naman ganoon si Joey noong hindi pa (Supreme Court justice) ang kanyang kapatid,” sabi ng isa sa kanyang mga business partners.
Joey ang palayaw ng kuya ni Supreme Court justice.
Itinakbo diumano ni Joey ang P18 milyon ng kumpanya at nagmamalaki pa itong idemanda na lang daw siya.
Si Joey ay nagpapakilala na isang “doctor” at gusto niyang tawagin siyang “Doc Joey.”
Pero hindi siya doctor of medicine.
Ang pinanghahawakan ni Joey ay Ph.D in Alternative Medicine at the Open International University for Complementary Medicines sa Colombo, Sri Lanka.
Napag-alaman na ang kanyang Ph.D diploma ay diumano’y peke.
Joey is engaged in multi-level marketing o yung tinatawag na MLM. Ang kanyang tinitinda ay mga diamonds, health supplements at securities bonds.
Ang dahilan kung bakit niya dinadala ang titulong “Doctor”—na peke naman—ay dahil nagiging credible siya kapag nagpapakilala siya sa mga prospective clients.
Dala-dala niya ang isang magazine kung saan nai-feature ang kanyang kapatid nang ito’y mahirang na mahistrado ng Supreme Court ng pangulo.
May mga litrato sa oath-taking ng kanyang kapatid at kasama siya sa isa sa mga litrato.
Marami na raw nadenggoy si Joey dahil sa magazine article kung saan ang cover story ay tungkol sa kanyang kapatid.
Alam kaya ng Supreme Court justice ang pinaggagawa ng kanyang kapatid?
Kapag hindi niya alam at nalaman niya, baka siya’y labis na mapahiya.
Mukha namang matino at disenteng babae ang kanyang kapatid.
In fact, sa pagkakaalam ng inyong lingkod siya’y miyembro ng isang Born Again Christian sect.
Naipaliwanag ng mabuti ng aking kapatid na si Erwin na ang P245,535 na natanggap niya sa National Agri-Business Corp (Nabcor) ay hindi suhol kundi sa commercials sa kanyang radio program.
Nagtrabaho kasi si Erwin noon sa DZXL sa Radio Mindanao Network bilang isang commentator.
Nakapangalan ang tseke na P245,535 sa kanya at hindi sa istasyon dahil ito’y kanyang na-solicit.
Kumpleto si Erwin ng dokumento: broadcast order (equivalent to purchase order sa ibang business transaction) at certificate of completion, na ang ibig sabihin ay naisahimpapa-wid ang commercials ng Nabcor.
Pero hanggang ngayon ay di pa rin siya tinitigilan ng kanyang mga kritiko.
“Bakit, kuya, hindi sila tumitigil gayong naipaliwanag ko na?” tanong ni Erwin.
Sinabi ko sa kanya na ganyan talaga kapag ikaw ay sikat.
Walang iniwan yan sa mangga na hitik sa bunga na binabato upang mabawasan ang mga bu-nga.
That’s the price he pays for being very popular.