BAGO pa man pag-usapan ang pagreretiro ni pambansang kamao Manny Pacquiao, nais ng isang solon na pag-aralan ng Kamara de Representantes ang kagandahang maidudulot ng pagdaraos ng kanyang laban dito sa bansa.
Naniniwala si Parañaque Rep. Gus Tambunting na makadaragdag sa pagdagsa ng turista sa bansa kung sa Pilipinas idaos ang isa sa mga susunod na laban ni Pacquiao.
Ang labang ito ay maaari umanong maiku-kumpara sa “Thrilla in Manila” noong 1975 kung saan naglaban para sa heavyweight championship sina Muhammad Ali at Joe Frazier.
Inihain ni Tambunting ang House Resolution 949 upang makapagsagawa ng pagdinig ang House committee on games and amusement na pinamumunuan ni Cavite Rep. Elpidio Barzaga Jr. kaugnay ng kanyang panukala.
“The Philippines with ‘It’s more fun in the Philippines’ as progressive banner of promoting Philippines as a tourism hub reported as 452,650 million visitor arrivals in December 2013,” dagdag pa ng solon.
Huling lumaban sa bansa si Pacquiao noong Nobyembre 2006 nang tinalo niya si Oscar Larios sa Araneta Coliseum sa Quezon City.
Nakatakdang lumaban muli si Pacquiao sa Abril 13 sa isang rematch kay Timothy Bradley sa MGM Grand sa Las Vagas, Nevada.
Sa layuning makabawi sa kabiguang natamo kay Bradley noong 2012 ay puspusang nagsasanay si Pacquiao sa Wild Card Gym ni Freddie Roach sa Los Angeles, California.