Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
5:45 p.m. Rain Or Shine vs. Meralco Bolts
8 p.m. Air21 vs.
Barangay Ginebra
MATAPOS ang naka-yayanig na performance ng import na si Brian Butch, hangad ng Meralco Bolts na mapagpatuloy ang mainit na paglalaro sa pagtatagpo nila ng Rain Or Shine sa PLDT Home TVolution PBA Commissioner’s Cup mamayang alas-5:45 ng hapon sa Smart Araneta Coliseum, Quezon City.
Sa 8 p.m. main game, magtutunggali ang Barangay Ginebra at Air21 na kapwa naghahangad na makabawi sa pagkatalo.
Si Butch, na siyang pinakamatangkad na import sa torneo sa sukat na 6-foot-10, ay nagtala ng 40 puntos at 30 rebounds
upang tulungan ang Bolts na magposte ng 109-98 come-from-behind win kontra Air21 noong Linggo.
Iyon ang ikatlong panalo sa limang laro ng Meralco. Makakatapat ni Butch si Alex McLean depende kung aabot ang parating na kapalit na kinuha ng Rain Or Shine. Nais ng Elasto Painters na kunin si Devon Wayne Chism na dapat sana’y lalaro sa Barako Bull subalit hindi natuloy dahil sa may kontrata pa ito sa European team.
Handa diumano ang Rain Or Shine na i-buyout ang kontrata ni Chism sa Europe. Kung hindi pumuwede si Chism ay kinukunsidera din ng Elasto Painters sina Jake O’Brien at Duke Crew na dating naglaro sa kanila noong 2011-12 Commissioner’s Cup.
Iisang panalo pa lang ang naitala ng Elasto Painters at ito’y kontra defending champion Alaska Milk (92-78) noong Marso 15. Natalo sila ng tatlong beses.
Laban sa Express, ang Meralco ay humabol buhat sa 68-86 abante ng Air21 sa pagtatapos ng third quarter. Nakatulong ni Butch sina Jared Dillinger na gumawa ng 20 puntos, John Wilson na nagtala ng 12 at Gary David na nag-ambag ng 11 puntos.
“There’s so much pressure on Butch’s back. But he still plays fantastic basketball and this speaks so much about his character,” ani Meralco coach Paul Ryan Gregorio..
Kumuha ng bagong import ang Air21 sa katauhan ni Wesley Witherspoon na humalili hay Herve Lamizana at gumawa ng 44 puntos kontra Meralco. Umaasa si coach Franz Pumaren na magpapatuloy ang husay ni Witherspoon laban sa Gin Kings na pinangungunahan ni Leon Rodgers.
Kapwa may 2-3 record ang Air21 at Barangay Ginebra. Ang Gin Kings ay galing sa 94-87 pagkatalo sa Talk ‘N Text.
Makakatuwang ni Witherspoon sina Asi Taulava, Joseph Yeo, Mark Cardona at Enrico Villanueva.
Katulong naman ni Rodgers sina Mark Caguioa, LA Tenorio, Jayjay Helterbrand, Gregory Slaughter at Japeth Aguilar.
Sa Sabado ay idaraos ang unang out-of-town game ng torneo sa Biñan,
Laguna kung saan mag-kikita ang San Miguel Beer at Alaska. Samantala, pinara-ngalan naman bilang Accel-PBA Player of the Week mula Marso 17 hanggang 23 si Ranidel de Ocampo ng Talk ‘N Text.
Ang 6-5 na si de Ocampo ay umiskor ng 15 puntos sa 91-68 panalo ng Talk ‘N Text sa Meralco noong Biernes at gumawa naman ng 28 puntos sa 94-87 panalo ng kanyang koponan laban sa Barangay Ginebra nitong Linggo.
Dinaig niya sa lingguhang parangal si Marcio Lassiter ng San Miguel Beer.