Simpleng koordinasyon di pa magawa ng DFA

NANGANGAMBANG nagsumbong sa Bantay OCW si Vivian Avila ng Socrates Road, Puerto Princesa, Palawan hinggil sa kalagayan ng kapatid niyang si Betty Manaoag Gonzales na 20 anyos lang.

May problema na agad ang ahensiyang nagpaalis kay Betty, dahil 23 years old ang minimum age requirement para sa ating mga HSW (Household Service Worker) na ipinapadala sa ibayong dagat.

Ayon kay Vivian, madalas saktan si Betty ng kaniyang amo. Sinasapak ito, pinag-uuuntog at kinukurot pa ng kaniyang among babae kahit nasa tanggapan na ng kanilang agency sa Lebanon.

At ang pinakamatindi pa, madalas siyang pagbantaan ni madam na ihuhulog siya sa ika-pitong palapag ng kanilang gusaling tinitirhan.

Dahil sa mga bantang ito kung kayat nagdesisyon si Betty na tumakas na lang.

Nitong Pebrero 13, nakatakas si Betty at nakatakbo sa Philippine Embassy sa Beirut, Lebanon at sa kasalukuyan, nasa pangangalaga na siya ng embahada.

Umalis si Betty noong Nobyembre 17, 2013 sa pamamagitan ng Sheeba International Manpower Services. Pakiusap ng pamilya, na sana’y makauwi na si Betty sa lalong madaling panahon.

Sino ba naman ang hindi matatakot sa ganong kondisyon? Bukod sa bugbog-sarado ka na, tatakutin ka pang ihuhulog sa building.

Ipinadala na namin ang request ng pamilya na maiuwi na lang sa bansa si Betty sa embahada at hinihintay na lamang ang kanilang tugon.

Oobligahin din ng POEA na magpadala ng plane ticket ang Sheeba Agency dahil pananagutan nila ang ating OFW, anuman ang mangyari sa kaniyang pag-aabroad.

Kailangan din nilang sagutin kung bakit pinaalis ang isang 20 anyos na OFW gayong alam nila ang patakaran patungkol sa edad.

Galing pa ng Negros Occidental si Mary Ann Cajucom upang ilapit sa Bantay OCW ang problema niya na may kinalaman sa application ng renewal ng kaniyang pasaporte sa Bacolod City.

Galing ng Kuwait si Mary Ann at muling nag-aaply patungo sa abroad. Kailangan niya ngayon ng pasaporte na isusumite sa kaniyang agency.

Nobyembre 2013 nang nag-aaply ‘anya siya sa DFA-Bacolod.

Linggo-linggo siyang nagpa-follow up, ngunit palaging wala pa ang sagot sa kaniya.

Pinadala namin siya sa tanggapan ni Assistant Secretary Wilfredo Santos ng Office of Consular Affairs sa DFA at kaagad, nalaman niyang naka-pending pala ang kaniyang application dahil hindi pa naka-cancel ang nauna niyang request for renewal nang nasa Kuwait pa siya.

Kaya naman, nagpadala ng abiso ang DFA-Manila na ikansela iyon sa Kuwait at hindi naman nagtagal, itinawag na ng DFA-Bacolod kay Mary Ann na puwede na niyang makuha ang bagong pasaporte.

Nakakalungkot kung bakit kailangan pa niyang lumuwas ng Maynila para sa ganitong klase ng mga reklamo.

Hindi ba kayang ayusin ito ng ahensiya sa simpleng koordinasyon lamang?

Kung talagang inasikaso ito, hindi naman kailangang gumastos pa ang ating OFW.

Sana naman maging ma-kunsiderasyon ang mga naninilbihan sa ating pamahalaan.

Dahil ang bawat galaw natin ay nangangahulugan ng gastos. Di na sana nararapat na mga gastusin na sana’y nagamit pa sa mas mahahalagang mga bagay.

May nais ba kayong idulog kay Susan K? I-text ang BANTAY, pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09999858606.

 

 

 

Read more...