NANGAKO kahapon si Donnie “Ahas” Nietes na patutulugin si Moises Fuentes sa kanilang rematch sa Mayo 10 sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Mandatory title fight ito para kay Nietes na itataya ang hawak na WBO light flyweight championship. Nagkita na sina Nietes at Fuentes noong Marso 2, 2013 sa Cebu City at pinalad ang 31-anyos na kampeon na maitakas ang majority draw para manatiling hawak ang titulo.
“Pinaghahandaan ko ang labang ito at talagang mahirap ang training ko rito. Kung makakakuha ng pagkakataon ay ina-knockout ko siya sa laban.
Hindi ko lang masabi kung anong round,” wika ni Nietes na dumalo sa PSA Forum sa Shakey’s Malate kasama si ALA Boxing vice president Dennis Canete.
Ibinigay ng ALA ang lahat ng pagkakataon para mapaghandaan ang labang ito at kasama na rito ang pagbiyahe ni Nietes sa US para magsanay.
Kasama sa nakasagupa ni Nietes sa sparring session sa US ang dating light flyweight champion na si Giovani Segura para paghandaan ang labang ito.