Ikatlong buhos na ngayon ng makabuluhan naming panayam sa isa sa mga poste ng News 5 na si Paolo Bediones. Nagsimula nu’ng Lunes nang hapon sa Showbiz Police ang aming interbyu, ngayong hapon ang pinakahuling sultada, tinutukan namin ni Paolo ang pinagdadaanan niyang hirap sa pagkakaroon ng psoriasis.
“Napakakati kasi talaga. Kapag kinakamot mo na siya, ang sarap-sarap, orgasmic nga ang term na ginagamit ko sa feeling kapag kinakamot ko ang mga affected areas ng katawan ko.
“May mga nagsasabing nasa dugo raw ang psoriasis, hereditary, pero may mga nagsasabi naman na stress related ang ganito. Malaking abala dahil kapag active na siya, napakasarap niyang kamutin talaga,” pagtatapat ni Paolo.
Miyembro na siya ngayon ng Psoriasis Philippines dahil bukod sa kanyang personal na pangangailangan ay gusto niyang mas mapalawak pa ang kanyang kaalaman tungkol sa naturang sakit sa balat na gusto niyang maipaalam sa ating mga kababayan.
Hindi kasi nakakahawa ang psoriasis, hindi ‘yun lumilipat sa balat ng ibang tao, ligtas ang kahit sinong tatabi sa meron nito. Kaya nga ang nakasulat na mensahe sa t-shirt ng guwapong news anchor nang interbyuhin namin siya ay “Hug me…
I’m not contagious.” Marami pang ibang impormasyon na tinalakay si Paolo tungkol sa psoriasis, ayon sa kanya ay wala pang nadidiskubreng lunas dito, pero puwede namang remedyuhan ang pangangati.
Pati ang kuwento ng kanyang lovelife ay hindi ipinagdamot sa amin ni Paolo Bediones, maraming kuwentong-puso kaming nadiskubre tungkol sa kanya, napakasarap kausap ng guwapo at magaling na news anchor at dokumentarista ng TV5.
Napapanood po ang Showbiz Police tuwing alas-kuwatro nang hapon mula Lunes hanggang Biyernes sa TV5.