Royette Padilla namaril ng pinto ng kapitbahay, arestado

NAHAHARAP sa kasong grave threat at paglabag sa Anti-Child Abuse law ang utol ni Robin Padilla na si Royette matapos itong mamaril ng pinto ng kapitbahay sa Clark Field, Pampanga, nitong Sabado.
Inaresto si Padilla ng mga elemento ng Public Safety Department (PSD) ng Clark Development Corp. at Angeles City Police sa Pasak st., Redwood Villas, Sabado ng gabi.
Lumabas sa imbestigasyon na nagtungo si Padilla sa garahe ng kapitbahay na si Evelyn Montuno at doo’y dalawang beses na nagpaputok ng baril, ayon sa ulat.
Sinabi ni Montuno sa pulisya at PSD na naghahanda siya ng hapunan nang bigla siyang kausapin ng noo’y tila lasing na si Padilla mula sa kabila ng bakod.
Inihayag ni Montuno na di niya pinansin si Padilla at nagtungo na lang sa hapag-kainan kasama ang mga anak na babaeng edad 10 at 8, hanggang sa makadinig sila ng mga putok ng baril.
Dahil dito’y humingi ng saklolo ang ginang sa pulisya at PSD, ayon sa ulat. Hawak na ng mga tauhan ng PSD si Padilla nang dumating ang mga miyembro ng lokal na pulisya, ayon sa ulat.

Read more...