NASAWI ang Army officer at isa niyang tauhan habang apat pa ang nasugatan nang tambangan ng mga kasapi ng New People’s Army sa Lopez, Quezon, kahapon ng umaga.
Ang mga nasawing sundalo, may ranggong lieutenant at private first class, ay kapwa miyembro ng 85th Infantry Battalion, sabi ni Lt. Col. Oliver Maquiling, civil-military operations chief ng Army 2nd Infantry Division, nang kapanayamin sa telepono.
Naganap ang insidente dakong alas-7:30, habang dumadaan ang isang team ng 85th IB sa Brgy. Cogorin sakay ng KM-450 military truck, ani Maquiling.
Patungo ang mga kawal sa Brgy. Vegaflor para magsagawa ng “medical mission” nang paputukan ng mga rebelde ang trak na nagmamaniobra sa pa-zigzag na kalsada, aniya.
“Medical mission ito so in-announce ng tropa… ‘Yung tropa naman siyempre nagtitiwala sa mga tao, sinabihan ‘yung mga liblib na barangay.
Hindi ito combat operation, kaya kino-condemn namin itong ginawa ng NPA, kasi tutulong ang mga ito sa tao,” ani Maquiling.
Nakaganti naman ng putok ang mga sugatang kawal kaya di nakuha ng mga rebelde ang kanilang baril, aniya.
Nagpadala na ng karagdagang sundalo para tugisin ang mga rebelde, ani Maquiling.Naganap ang pag-atake dalawang araw lang matapos madakip ng mga tropa ng pamahalaan ang matataas na lider ng NPA na sina Benito Tiamzon at Wilma Austria sa Cebu noong Sabado.
Inalerto ang Armed Forces para sa pagganti ng NPA matapos madakip sina Tiamzon at Austria, sabi ni Defense Secretary Voltaire Gazmin.