Kris kay Bistek: Dedma lang!


Nasulat ko rito sa BANDERA ang pangungulit namin kay Kris Aquino kung sino ang lalaking nagpapasaya sa buhay niya ngayon at dumadalaw pa sa bahay nila.

Pero idinaan ng TV host sa lambing na huwag na namin siyang piliting magsalita dahil wala naman daw siyang aaminin.
Ilang araw ng laman sa blind item ang manliligaw ng Queen of All Media at kahapon ay tinukoy na ang secret suitor niya na si Quezon City Mayor Herbert Bautista.

Kanya-kanyang komento ang mga nabasa namin tungkol sa ligawang ito nina Herbert at Kris kaya tinext namin si Kris kung totoo ang tsikang ito. Natagalan bago niya kami sinagot ng, “Dedma.”

Ano ba ang ibig sabihin ni Kris, ayaw ba niya kaming sagutin o ayaw niyang patulan ang balita? Bigla tuloy naming naalala ang kuwento sa amin ng mga taong malalapit sa TV host, “Pag may isyu kay Kris at hindi ‘yan sumasagot, ibig sabihin, ayaw niyang pag-aksayahan ng panahon dahil wala siyang mapapala at masaya siya sa present life niya.

Pero kapag sumagot ‘yan sa mga isyu, ibig sabihin, totoo at nahe-hurt siya lalo na kapag negative.” Medyo lito pa rin kami bossing Ervin dahil hindi maliit na isyu ang pagli-link sa kanya kay Bistek.

Samantala, pumirma si Kris kahapon ng tanghali ng kontrata para sa Pampanga’s Best. Bukod pa sa inanunsyo na rin daw niya sa Kris TV na kukunan ng morning show niya ang exclusive screening ng “The Amazing Spiderman 2” bukas kasama sina Josh at Bimby.

Bukod pa rito, lilipad din sila patungong Singapore sa Sabado para sa junket interview sa cast ng pelikula na sina Jamie Foxx, Emma Stone at Andrew Garfield.

Pero bago umalis ang Queen of All Media ay magbo-voice over muna siya sa karakter ni Pinky Pusit sa Dyesebel.  So, hindi lang hosting ang raket ngayon ni Kris, pati voice-over na rin?

Read more...