TALK ‘N TEXT NAUWI ANG IKA-6 PANALO

Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
8 p.m. San Miguel Beer vs Globalport

BINALEWALA ng Talk ‘N Text Tropang Texters ang huling ratsada ng Barangay Ginebra Kings sa ikaapat na yugto para itakas ang 94-87 panalo at manatiling walang talo sa pagsungkit ng ikaanim na sunod na panalo sa kanilang PLDT Home TVolution PBA Commissioner’s Cup game kahapon sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.

Si Ranidel De Ocampo, na nahirang na Best Player of the Game, ang nagbida para sa Tropang Texters sa itinalang 28 puntos kabilang ang 4 of 7 3-point field goals.

Nag-ambag naman ang import na si Richard Howell ng 19 puntos, sina Jason Castro at Ryan Reyes ay may tig-11 puntos at si Larry Fonacier ay may 10 puntos para sa Talk ‘N Text.

Sa unang laro kahapon, gumawa si Brian Butch ng 40 puntos at 31 rebounds para tulungan ang Meralco Bolts na makabangon at talunin ang Air21 Express, 109-98.

Samantala, pinapaboran ang San Miguel Beer laban sa Globalport sa kanilang pagkikita mamayang alas-8 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.

Nakabangon na ang Beermen sa 107-99 pagkatalo sa nangungunang Talk ‘N Text sa pamamagitan ng panalo laban sa Rain or Shine (112-107) at Barako Bull (106-100).

Ang pagkatalo sa Talk ‘N text ay masaklap dahil sa larong iyon nagpugay ang import na si Kevin Jones na humalili kay Josh Boone. Subalit ipinakita ni Jones na nasa kundisyon siya at kaya niya ang sistema ng Beermen.

Malaking bagay din para sa San Miguel Beer ang pagbabalik ng lead center na si June Mar Fajardo matapos hindi makapaglaro sa unang tatlong games bunga ng foot injury. Sa pagdating niya ay nakumpleto na ang lineup ng Beermen.

Si Jones ay makakatapat ng nagbabalik na si Evan Brock na may disenteng mga numero. Subalit hindi nagiging sapat ang mga ito dahil sa ang Batang Pier ang tanging koponang hindi pa nakakatikim ng panalo sa limang laro.

Ang Globalport, na ngayon ay hawak ni head coach Pido Jarencio na humalili kay Ritchie Ticzon, ay kailangang magsimulang manalo kungdi’y maagang magbabakasyon. Sa ilalim ng tournament format, ang huling dalawang koponan sa katapusan ng elims ay hindi makararating sa quarterfinals.

Pagtutunan din ng pansin mamaya ang magiging performance ni Alex Cabagnot laban sa dati niyang koponan. Si Cabagnot ay kinuha ng Globalport buhat sa San Miguel Beer kapalit ni Solomon Mercado bago nag-umpisa ang torneo.

Hindi pa rin pumuputok si Mercado para sa Beermen dahil sa ang humalili sa puwestong binakante ni Cabagnot bilang lead pont guard ng koponan ay si Chris Ross.

Read more...