NAWALA ang suwerte kay Merlito Sabillo nang nahubad sa kanya ang suot na World Boxing Organization (WBO) minimumweight title sa tinamong 10th round technical knockout pagkatalo kay Francisco Rodriguez ng Mexico kahapon sa Arena Monterrey sa Monterrey, Mexico.
Ang rated No. 9 challenger ay nakitaan ng walang humpay na pag-atake para hindi makaporma si Sabillo sa kabuuan ng labanan.
Sa 1:50 marka ng 10th round itinigil ni referee Eddie Claudio ang sagupaan nang hindi na makaganti ang
30-anyos na dating kampeon sa mga matitinding suntok mula sa katunggali para magsaya ang mga kababayan nito.
Ito ang ika-14 panalo sa 16 laban at ika-10 KO win ng 20-anyos na si Rodriguez na mataas ang kumpiyansa dahil sa Monterrey siya ipinanganak para sa mainit na suporta ng mga manonood.
Nalasap ni Sabillo ang unang pagkatalo matapos ang 25 laban ngunit masasabing tunay na pababa na siya dahil ang huling laban na hinarap ng tubong Negros Occidental kontra kay Carlos Buitrago ng Nicaragua sa Smart Araneta Coliseum ay nauwi sa split draw lamang.
Tulad ni Rodriguez, agresibo at malakas si Buitrago at napatunayan na hirap si Sabillo kapag ganito ang istilo ng mga katunggali.
Muntik pang natapos sa second round ang 12-round title fight dahil tumumba si Sabillo sa matitinding binitiwan ni Rodriguez.
Bunga ng pangyayari, naiwan na lamang sina Donnie Nietes at John Riel Casimero bilang mga lehitimong world champions ng Pilipinas.
Si Nietes ay hari ng WBO light flyweight division pero magdedepensa siya ng titulo laban kay Moises Fuentes ng Mexico sa Mayo 10 sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Kampeon naman sa International Boxing Federation (IBF) light flyweight division si Casimero.