NABANDERA na ngayon ang tunay na presyo ng kuryente na sinisingil sa atin ng Wholesale Electricity Spot Market (WESM) na P25.40/kWh para sa buwan ng Nobyembre at P28.37/kWh para naman sa Disyembre, 2013. Ayon sa muling pagkwenta ng Philippine Electricity Market Corp. (PEMC) sa mga billings mula sa WESM, ang tumpak na presyo ng kuryente noong Nobyembre at Disyembre ay P6/kWh at P6.25/kWh.
Maliwanag na ang tongpats nila sa WESM ay P19.40kWh sa Nobyembre at tongpats na P22.12/kWh sa Disyembre. Ikalat mo iyan sa limang milyong Meralco customers. Aba’y kung ang minimum consumption natin ay 50 kilowatts bawat buwan o kabuuang 100 kilowatts, ang papasok na tongpats nila P207.6M x 100 kilowatts o P20.76 Billion. Sangkaterbang pera na nanakawin sana sa bawat pawis at dugo ng mamamayan..
Hindi pa natin pinag-uusapan diyan ang buwan ng Enero, 2014, kung saan sinisingil tayo ng Meralco ng P10.23/kWh batay sa billings ng WESM. Katunayan, nagbayad na tayo ng paunang P5.67/kWh at may utang pa tayong P4.14/kWh na hulugan daw ang magiging bayaran.
Pero, maging ito’y ibinaba na rin ng Energy Regulatory Commission (ERC) na nagsabing P6.12/kWh na lamang ang dapat masingil sa Enero, at hindi P10.23/kWh. At siyempre, kung bibilang uli tayo, ang tongpats ng WESM ay P4.11/kWh at para sa limang milyong Meralco customers na kumukusumo ng 50 kilowatts, gagatasan na naman tayo ng P1.03 Billion.
Sa totoo lang, isang krimen nang matuturing ang tangkang pagnanakaw na ito, lalot naka-reflect na nga sa resibo ng Meralco ang naturang mga bayarin. Katunayan, nakapagbayad na nga tayo noong Nobyembre at Disyembre, napigilan lang ng TRO ng Korte Suprema. Kung baga sa away kanto, nasaksak na tayo ng WESM.
Tatanggapin ba natin ang ibinabanderang dahilan ng PEMC na nagkaroon ng “market failure” sa pangangalakal ng kuryente sa WESM kayat lumipad at hindi nakontrol ang mga presyo? Masisikmura ba natin ang pinipilit ng PEMC at WESM na ‘recomputation’, ‘recalculation’ o ‘price readjustment’ lamang ito ng presyo ng kuryente noong Nobyembre, Disyembre at Enero?
Bakit biglang binawi ng WESM, PEMC at ERC ang kanilang presyo? Natakot ba sila sa mga pagdinig na ginagawa sa Korte Suprema? Natakot ba sila sa imbestigasyon ng DOJ sa umano’y “price manipulation” at “anti-competition behavior” ng mga power producers? Nayanig ba sila sa pag-iingay ng mga militanteng grupo at pagtatalak sa radyo, TV at social media ng mamamayan?
Bakit ang Malakanyang ay tila hindi derektang maupakan ang mga nasa likod ng P21-B tongpats na ito? Tuwid na daan pero dito pa sa administrasyon na PNoy muntik nang mataga ng siyam-siyam ang kanyang mga boss.
Kung ako ang tatanungin, may dapat managot at makulong dito sa mga opisyal ng WESM, PEMC at maging ng ERC, dahil’y ito’y lantarang pagnanakaw, panloloko at tangkang pangingikil sa higit limang milyong consumers ng Meralco. Masahol pa sila sa mga holdaper sa kanto, agaw cellphone at iba pang kriminal sa ating lipunan.
Higit P21-B na tongpats nila ang muntik nang bayaran ng taumbayan. At sa bilis ng kanilang pag-atras sa presyo, maliwanag na nagkaroon ng maniobra at kuntsabahan para itaas nila ang halaga ng “electricity trading” noon. Isang ilegal na gawain na makikita mo lamang na ginagawa ng mga gangster ng mafia, Cosa Nostra at iba pa.
Hindi ako abugado pero sa akin, ito’y kaso ng ‘failed extortion’ o pangingikil sa taumbayan. At sinumang opisyal ng gobyerno na kasabwat ng WESM-PEMC-ERC mafia ay dapat makasuhan at matanggal sa pwesto. Unang una riyan si ERC chairman Zenaida Ducut na dapat sanang unang nakadiskubre ng “market failure” o kaya’y nag-imbestiga man lang kung tama ang November-December billings ng WESM-PEMC.
Sa halip, inaprubahan niya ang price increases nang walang alinlangan. Matapos ang public protest at SC TRO, biglang baligtad ang posisyon ng ERC. Hindi ba’t maliwanag na may gross negligence sa part niya. Hindi kaya kakosa na niya ang mga taga-WESM at mabilis agad ang pag-apruba niya sa power hike?
Sa totoo lang, dapat magbantay tayo sa scenario ng “whitewash” sa P21-B tongpats ng mga power plants. Mga maimpluwensyahang negosyante ang mga ito na malaliman ang koneksyon sa pulitika, sa gobyerno lalo na sa Malakanyang. Obserbahan natin ang gagawin ni PNoy sa isyung ito. Kakampi ba siya ng kanyang mga boss o ng mga mayayaman pero extortionists na mga negosyante ng kuryente?
Teka muna, malapit na nga pala ang eleksyon sa 2016, uso na naman ang mga donasyon. Kawawang Juan de la Cruz.