Paeng Nepomuceno muling kinilala

MADARAGDAGAN ang kinang na nakukuha ni Paeng Nepomuceno. Sa Marso 27 hanggang 31 ay magkakaroon ng World Coaching conference at si Nepomuceno ay gagawaran ng Gold level coaching certification upang maging isa lamang sa 25 na aktibong coach na may ganitong karangalan.

Ang kaganapan ay gagawin sa United States Bowling Congress (USBC) general headquarters at ito ay magaganap katuwang ang World Tenpin Bowling Association (WTBA).

“Paeng is one of the most respected competitors in the history of bowling and he continues to give back to the sport through coaching,” wika ni Neil Stremmel, ang USBC Managing Director.

“He is committed to teaching coaches throughout the world and we’re pleased to have him join the elite rank of USBC Gold coaches,” dagdag nito.

Ang 57-anyos na si Nepomuceno ang lalabas bilang kauna-unahang coach na bibigyan ng Gold level certification sa Asia.
Bago ito ay itinalaga ang  6-foot-2 kaliweteng bowler bilang International Ambassador for Bowling ng USBC.

Mahigit na pitong taon na rin siya sa USBC upang tulungan ito sa pagpapalaganap ng sport. Nakapagturo na rin siya ng Level I, Bronze at Silver seminars sa iba’t-ibang bansa.

May 20 bansa ang dadalo sa Conference at magkakaroon din ng mga seminars para mapataas ang nalalaman ng mga coaches na dadalo  ayon kay Carolyn Dorin-Ballard, ang Director of Coaching Certification at Development Department.

Bago maging coach, naging tanyag si Nepomuceno sa buong mundo dahil hinirang siya bilang isang six-time world champion sa bowling.

Siya pa lamang ang natatanging bowler sa mundo na nanalo ng apat na World Cup (1976, 1980, 1992 at 1996). Naibulsa na rin ni Nepomuceno ang kampeonato sa World Invitational Tournament (1984) at World Tenpin Masters (1999).

Dahil sa kanyang mga nagawa habang naglalaro, idineklara siya sa September, 2003 issue ng prestihiyosong Bowlers Journal International bilang Greatest International Bowler of All Time.

Read more...