Daniel nagliligpit pa rin ng kama at naglalagay ng plato sa lababo


Puring-puri ng mga kaibigan namin si Daniel Padilla. Sa kanilang pag-uumpukan ay palaging bumibida ang pinakasikat na heartthrob ngayon, napakaganda raw ng pagpapalaki sa kanya ni Karla Estrada, dahil kahit pa sikat na sikat na siya ngayon ay walang kaere-ere ang bagets actor.

Nakasabay siya sa eroplano ng isang tropa ng mga nanay nu’ng nakaraang Disyembre, kasama niya ang kanyang mommy at mga kapatid at pinsan, sa Hong Kong sila nagbakas-yon.

“Nakakatuwa ang batang ‘yun, wala siyang kaangas-angas, saka marespeto siya sa lahat. May po at opo siya kapag nagsasalita, hindi siya nagpapaimportante, pinagbibigyan niya ang mga kababayan nating nagpapa-picture taking sa kanya.

“Kami na lang, hindi niya kami binigo, isang sabi lang namin sa kanya, go na siya agad para makatabi namin siya sa pagpaparetrato. Bibihira na lang kasi ang ganyan kay Daniel Padilla ngayon, karamihan sa mga artista ngayon, mayayabang, suplada!” madiing komento ng aming kausap.

Isang katangian ‘yun na palaging ipinagmamalaki sa amin ni Karla Estrada, hindi ngayon at sikat na ang kanyang anak ay puwede nang magyabang at magmalaki, matinding dumisiplina sa kanyang mga anak ang aktres.

“Nagliligpit pa rin si DJ ng kama niya, pati nga ang kinainan niya, siya rin ang naglalagay sa lababo. Walang sikat-sikat sa bahay namin, kung ano ang itinuro ko sa kanila, ‘yun pa rin ang nasusunod,” sabi ni Karla.

Harinawang hindi pagbaguhin ng kasikatan at salapi ang batang aktor, kakaunti na lang kasi ang katulad niya na marespeto kahit kanino, bitbit pa rin ni Daniel Padilla ang kagandahang-asal na gumabay sa kanyang pagbibinata.

Siya talaga ang dapat tularan ng ating mga kabataan ngayon. Marespetong anak, walang kayabang-yabang na artista, modelong kabataan talaga si Daniel Padilla.

Read more...