DALAWANG koponan ang magdadala ng bandera ng Pilipinas at sasagupa sa 13 iba pang foreign teams sa makasaysayang 5th Le Tour de Filipinas na gugulong na sa Abril 21.
Gagawa ng marka ang karera sa bisikleta na handog ng Air21 at may basbas ng international cycling body UCI sa taong ito dahil dadaan ang ruta sa Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX), North Luzon Expressway (NLEX) at ang Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway (TPLEX).
“We are really excited this year because for the first time we will be using the Triple-X Stage. We will be using the SCTEX, NLEX and TPLEX, roads billed as the country’s road to progress,” wika ni Air21 president at LTDF organizer Jerry Jara sa pormal na paglulunsad ng karera kahapon sa Centennial Hall ng Manila Hotel.
Dalawang koponan ang kakatawan sa Pilipinas: 7-Eleven Road Bike Philippines at Philippine Navy-Standard Insurance Cycling team. Ito ay upang matiyak na “the best-of-the-best riders” ang magrerepresenta sa host country sa apat na araw na karera.
May 13 dayuhang koponan ang magpapatingkad sa tagisan at ang mga ito ay ang Track Team Astana at National Cycling team ng Kazakhstan, TSR Continental Team ng Iran, Satalyst Giant Racing Team ng Australia, CCN Cycling team ng Brunei, Pegasus Continental Team ng Indonesia, Polygon Sweet Nice ng Ireland, Aisan Racing Team at Team Ukyo ng Japan, Teengganu Pro Asia Cycling Team ng Malaysia, Attila Cycling Club ng Mongolia, OCBC Singapore Continental Cycling team ng Singapore at UAE Cycling Team ng United Arab Emirates.
Ang Iran ang siyang nagdedepensang kampeon nang si Ghader Mizbani at ang TPT team ang nagwagi sa individual at team categories noong nakaraang taon.
Hindi batid kung makakasama si Mizbani sa Iran team na sasali pero tiyak na hindi mababang kalidad ang mga siklistang ilalahok nila.
Ipinalalagay din na paborito ang dalawang Kazakhstan teams bukod sa Mongolia at ang beteranong Polygon Sweet Nice ng Ireland.
Ngunit para kay Philippine Cycling godfather Alberto “Bert” Lina, naniniwala siyang hindi padadaig ang mga panlaban ng bansa upang masundan ang yapak na ginawa ni Baler Ravina na nagkampeon noong 2012.
“Of course we are hopeful that our riders will win this edition,” pahayag ni Lina. “Dapat tayo ang manalo dahil teritoryo natin ito kaya naman practice sila ng practice ngayon.”
Bagamat sa tatlong expressway dadaan ang karera, ito pa rin ang lalabas na pinakamahirap na ruta dahil hindi bababa sa walo ang ahunan na dadaanan ng mga kasali sa karera na may kabuuang 616-kilometrong distansya.
Tampok rito ang “Northern Alps” ng Bayombong hanggang Baguio City Stage Four na sasakop sa kabuuang 132.7-km ang distansya at ang magpapaigting sa karera ay ang mga akyatan sa Cordilleras.
Bubuksan ang LTDF ng tagisan mula Clark, Pampanga hanggang Olongapo City gamit ang NLEX habang ang Stage Two ay mula Olonggapo City hanggang Cabanatuan City gamit ang SCTEX at TPLEX.
Ang third stage ay Cabanatuan City hanggang Bayombong, Nueva Viscaya at ang magpapahirap rito ay ang zigzag road ng Dalton Pass na siyang kumukunekta sa probinsya ng Nueva Ecija at Nueva Vizcaya.
Mahalagang UCI points ang makukuha ng mga mananalo sa stage at overall categories bukod pa sa cash prize na aabot sa $16,540 (P744,300.00).