HANDANG-HANDA na ang bansa para sa 2014 Asian Men’s Club Volleyball Championship na nakatakdang mag-umpisa sa Abril 8 sa Mall of Asia Arena at Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Itinataguyod ng PLDT HOME Fibr, ang torneyong ito ay kinatatampukan ng mga mahuhusay na koponan sa Asya kabilang ang Pilipinas na magsisilbing host ng torneyo sa kauna-unahang pagkakataon.
Ang pambansang koponan ay pangungunahan ng aktor at sportsman na si Richard Gomez, ang kauna-unahang Pinoy na lumaban para sa bansa sa apat na magkakaibang sports.
Nauna nang naging miyembro ng pambansang koponan si Gomez sa shooting, sailing at fencing.Kasama rin sa PH team sina JP Torres, Ronjay Galang, Jeffrey Malabanan, Alnakaran Abdilla, Jason Ramos, Rodolfo Labrador at ang dalawang Australian players na sina Cedric Legrand at William Robert Lewis.
Lahat ng koponang kalahok ay pinahihintulutang magkaroon ng isa o dalawang imports. Ang Pilipinas ay napabilang sa Group A kasama ng Iraq, Kuwait at Mongolia.
Nasa Group B naman ang paboritong Iran, Japan, Lebanon at Vietnam habang nasa Group C ang Qatar, Kazakhstan, Oman, Hong Kong at Turkmenistan.
Ang mga bansang magsasagupa sa Group D ay United Arab Emirates, India, Papua New Guinea at Chinese Taipei.