ATENEO KAMPEON SA WOMEN’S VOLLEYBALL

NAGWAKAS ang mga kabiguang sinapit ng Ateneo kung sa UAAP women’s volleyball ang pag-uusapan nang tapusin nila ang tatlong-taong dominasyon ng karibal na La Salle.

Gumawa ng 21 puntos si Alyssa Valdez mula sa 18 kills, 2 service aces at 1 blocks, habang ang mga kakampi ay lumutang din ang husay tungo sa di inaasahang 25-23, 26-24, 25-21 straight sets panalo sa Lady Archers.

Sa second set masasabing nalagay sa alanganin ang Lady Eagles pero lumabas ang kanilang determinasyon ang ‘heart strong’ na itinaguri sa koponan ng kanilang Thai coach na si Anusorn Bundit para makumpleto ang panalo at ibigay sa Ateneo ang kauna-unahang women’s volleyball title matapos ang magkasunod na pangalawang puwestong pagtatapos.

“Ine-expect ng lahat na Final Four ‘yung goal namin tapos nandito kami ngayon nakatayo and nakuha pa namin ang award. Sobrang worth it ang pinaghirapan namin,” wika ni Valdez, ang regular season Most Valuable Player na siya ring ginawaran ng Finals MVP.

Pero team effort ang siyang tunay na sandata ng Lady Eagles sa sudden death na ito dahil sina Michelle Kathereen Morente at Jorella Marie de Jesus ay nag-ambag pa ng 11 at 10 puntos habang si Amy Ahomiro ay may anim na puntos, tampok ang apat na blocks.

Ang kanyang butata kay Mika Reyes ang tumapos sa limang sunod na puntos ng Ateneo upang makabangon ang koponan mula sa 24-21 triple set points ng La Salle sa second set.

Hindi nagpahuli ang liberong si Dennise Michelle Lazaro na mayroong 15 digs upang makatuwang si Valdez na may 12 habang ang setter na si Julia Melissa Morado ay mayroong 24 excellent sets

.“Team with unity and heart strong. Maraming salamat po,” wika ni Bundit na kinamayan ng mga manlalaro ng La Salle bilang tanda ng respeto matapos ang pagbangon ng Lady Eagles mula sa hukay.

Ito ang ikalimang do-or-die game na hinarap ng Lady Eagles sa season. Ang una ay laban sa Adamson sa pagsisimula ng stepladder semifinals bago isinunod ang National University na mayroong twice-to-beat advantage.

Bago ang larong ito ay tinalo din ng Lady Eagles ang Lady Archers sa limang sets noong Miyerkules para maihatid ang serye sa winner-take-all na laban.

Bumagsak ang laro ng Lady Archers at masasabing bumigay sila sa matinding pressure na nararamdaman.Kita ito dahil ang mga simpleng receive ay hindi makumpleto ng koponan ni La Salle coach Ramil de Jesus habang marami rin silang block errors tungo sa mahahalagang puntos ng karibal.

Si Victonara Galang ay mayroong 11 puntos mula sa siyam na hits at dalawang aces pero wala na sa kanyang mga kakampi ang nasa double digits.

Ang papaalis na team captain na si Abigail Maraño ay nagkaroon lamang ng walong puntos habang si Mika Reyes ay naghatid lamang ng anim na puntos para sa La Salle.

Lalabas na ang women’s volleyball ng Lady Archers ang ikalawang koponan na bumigay kahit may thrice-to-beat advantage.
Ang una ay ang kanilang women’s table tennis na hiniya ng University of the Philippines sa 3-0 iskor.

Read more...