NASUGATAN ang tatlong security escort at isang photographer nang mahulog ang sports utility vehicle (SUV), na kasama sa convoy ni Vice President Jejomar Binay, sa bangin sa Banaue, Ifugao kahapon.
Sugatan ang driver ng SUV na si Sgt. Danilo Tamo at mga sakay niyang sina Sgt. Alexander Sicat, Cpl. Alexander Solis, at ang photographer ni Binay na si Ramon Campita, ani Senior Supt. Edwin Butacan, direktor ng PNP Cordillera Regional Highway Patrol Unit, sa isang text message.
Dinala ang apat sa Good News Clinic, kung saan nananatiling walang malay si Campita hanggang kahapon ng hapon, ani Butacan. Naganap ang insi-dente alas-11 ng umaga, habang dumadaan ang convoy ni Binay sa Brgy. Manhung.
Minamaneho ni Tamo ang Toyota Fortuner sa isang kurbada nang ito’y mahulog sa banging may lalim na 15 metro, ani Butacan.
Di nakasakay si Vice President Binay sa naturang sasakyan, paglilinaw ng police official.
Binisita ni Binay ang iba-ibang lugar sa Ifugao at Nueva Vizcaya kahapon matapos dumalo sa isang seremonya para sa pamamahagi ng mga kagamitang medikal at mga wheelchair, ani Butacan.