Laro Ngayon
(Mall of Asia Arena)
4 p.m. La Salle vs Ateneo
PAGSISIKAPAN ng Ateneo de Manila University na makumpleto ang makasaysayang taon para sa kanilang women’s volleyball team sa pagharap sa huling pagkakataon sa three-time defending champion De La Salle University sa pagtatapos ng UAAP Season 76 women’s volleyball ngayong hapon sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Ang mananalo sa larong magsisimula sa ganap na alas-4 ng hapon ang siyang kikilalanin bilang kampeon ng kompetisyon upang pormal na rin matapos ang aksyon sa taon sa nasabing collegiate league.
Isang panalo pa ang kailangan ng Lady Eagles upang maging ikalawang koponan na nagkampeon kahit ang katunggali ay may tangan na mahalagang thrice-to-beat advantage.
Ang una ay ang University of the Philippines sa larangan ng women’s table tennis at ang kanilang hiniya ay ang koponan ng La Salle na nangyari noong Oktubre.
Mataas ang morale ng Lady Eagles dahil nakabangon sila mula sa championship point na hawak ng Lady Archers upang maikasa ang 25-21, 25-23, 18-25, 16-25, 17-15, tagumpay noong Miyerkules.
Ang pagkakaroon ng dalawang araw na pahinga ay tiyak na ginamit ng magkabilang panig upang maikondisyon ang mga sarili sa do-or-die game.
Aasahan ng bataan ni coach Ramil de Jesus ang mahalagang championship experience na tangan ng mga kamador na sina Abigail Marano, Victonara Galang, Mika Reyes at Kim Fajardo na siyang mga kasapi noong dinomina ng La Salle ang huling tatlong edisyon.
Determinasyon na magmumula kay league Most Valuable Player Alyssa Valdez ang siyang huhugutan ng lakas ng Lady Eagles para wakasan na ang dalawang sunod na pangalawang puwestong pagtatapos sa torneo.
Inaasahan din ang solidong kontribusyon nina Amy Ahomiro, Jorella de Jesus, libero Dennise Michelle Lazaro at rookie Michelle Morente para maipanalo ang ikalimang sudden-death na kanilang hinarap sa season.
Unang tinalo ng Ateneo ang Adamson University sa pagbubukas ng stepladder semifinals bago kinalos ang number two seed National University, na may twice-to-beat advantage, upang marating ang championship round sa ikatlong sunod na taon.
( Photo credit to INS )