GANITO sa Makati, trapik. Matagal nang inamin ito ni Jejomar Binay, kaya’t merong Mapsa tanod.
Trapik sa Divisoria at wala nang magagawa riyan. Pero, may magagawa pa.
Ang magtalaga ng magsasaayos ng daloy ng mga sasakyan at mamimili.
Malaking buwis ang nakokolekta sa Divisoria at walong high-rise condo-mall ang itinatayo, pero walang nagmamando ng trapiko kapag di na gumagalaw ang mga sasakyan at usad-usad na lang ang mamimili.
Trapik sa EDSA (itutuloy pa ba ang pagpapangalan nito bilang Cory Aquino ave.? Aba’y hindi nag-aral ng kasaysayan ang kongresistang ibig makapasok ng kusina.
Ipangalan mo na lang kaya ang Cory Aquino sa iyong probinsiya?) at pinag-aaralan pa ito na lagyan ng motorcycle lane. Aba’y magaling talagang mag-isip ang mga pinasusuweldo ng taumbayan. Sulit sa buwis na kinakaltas sa arawang obrero.
Ngayong magpapasko, napakagandang tanawin ang pagmamando ng trapiko ni Ramiro Hinojas, 55. Nagsasayaw siya habang nagmamando ng trapik, suot ang damit ni Santa Claus.
Pero, baka magalit ang mga nabalaho sa trapik kapag lahat ng nagmamando ay nakasuot ng damit ni Santa Claus at nagsasayaw.
Hayaan na nating sa ilang lugar ay may naglilibang sa mga napipikon na sa mabigat na daloy ng trapiko habang walang hanggan silang binubuwisan.
Christmas lanes? Magandang pakinggan dahil PR Pasko. Pero, matagal nang dinadaanan ng mga driver ang sinasabing Christmas lanes.
Panahon pa ni Pangulong Carlos Garcia ay dinadaanan na ito ng mga driver dahil noon unang nagsikip ang trapiko sa dami ng manu-manong (de-ikot) traffic signal, at binubuhat kapag gabi na; natutumba kapag malakas ang hangin o nabangga ng lasing.
Kaya nga nang dumaan ang opisyal ng MMDA sa Christmas lane ay naligaw ito, at na-trapik tuloy.
Iaasa pa ba ng taumbayan sa gobyerno ang pagluluwag ng daloy ng trapiko sa Metro Manila? Kung sa Tagaytay City ay masikip na ang daloy ng trapiko nang mawala sa puwesto Johnny Remulla, sa Metro Manila pa kaya?
Tama si Binay. Kung masikip ang trapiko sa Makati, magbisikleta. Na siya na ngang ginagawa ng marami sa Central Business District; o maglakad, na ginagawa na sa Ayalat at Puyat.
O kundi’y magmotor, na siyang sinasakyan ngayon ng arawang obrero kaya di sila nahuhuli sa trabaho.
Ayon sa nagmomotor na sina Gregorio Honasan, Mayor Benhur Abalos, Reynaldo Berroya at Rodrigo Duterte, mas mabilis makarating sa patutunguhan ang motorsiklo.
Tayo na lang ang gumawa ng paraan at huwag nang maghintay sa gobyernong abala sa banat.