Beermen, Texters magkakasubukan

Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
5:45 p.m. Barako Bull vs Air21
8 p.m. San Miguel Beer vs Talk ‘N Text
Team Standings: San Miguel Beer (2-0); Talk ‘N Text (2-0); San Mig  Coffee (1-0); Air21 (1-1); Barako Bull  (1-1); Barangay Ginebra (1-1); Meralco (1-1); Alaska Milk (1-2); Rain or Shine (0-1); Globalport (0-3)

SOLO liderato ang nakataya sa salpukan ng San Miguel Beer at Talk ‘N Text sa PLDT Home TVolution PBA Commissioner’s Cup mamayang alas-8 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.

Sa unang laro sa ganap na alas-5:45 ng hapon, magtutunggali ang Air21 at Barako Bull na kapwa naghahangad ng ikalawang panalo sa tatlong laro.

Ang Beermen at ang Tropang Texters ay kapwa nagwagi sa kanilang unang dalawang laro.

Ngayo’y hawak ni head coach Melchor  Ravena na humalili kay Gee Abanilla, tinambakan ng Beermen ang Meralco (94-76) at ang Barangay Ginebra (112-96). Sa kabilang dako, hiniya ng Talk ‘N Text ang defending champion Alaska Milk (85-72) bago naungusan ang Air21 (95-91).

Tila nagbago na ang isip ng Beermen at pinanatili na muna ang serbisyo ng import na si Oscar Joshua Boone na nagpakitang-gilas sa unang dalawang games. Magugunitang nagparating ng kapalit ang Beermen sa katauhan ni Kevin Jones.

Ang mga panalo ng Beermen ay naiposte nila sa kabila ng pangyayaring hindi nakapaglaro ang lead center na si June Mar Fajardo na may foot injury.

Si Boone ay sinusuportahan nina reigning Most Valuable Player Arwind Santos, Chris Lutz, Marcio Lassiter at mga bagong lipat na sina Sol Mercado at Rico Maierhofer.

Ang Talk ‘N Text ay sumasandig kay Richard Howell na bagamat undersized ay isang masipag na rebounder. Sinusuportahan siya nina Kelly Williams, Jimmy Alapag, Jason Castro at Ranidel de Ocampo.

Bago natalo sa Tropang Texters, sinimulan ng Express ang kanilang kampanya sa pamamagitan ng 83-78 panalo kontra Globalport.

Read more...