Nets tinalo na naman ang Heat

MIAMI — Sa ikatlong pagkakataon sa season na ito ay binigo ng Brooklyn Nets ang nagdedepensang kampeong Miami Heat.

Kahapon ay ikinalat ni Paul Pierce ang 17 sa kanyang 29 puntos sa  ikatlong yugto para pangunahan ang Nets sa 96-95 panalo.

Nagdagdag naman ng 17 puntos mula sa bench si Mirza Teletovic at nag-ambag ng 13 puntos si Shaun Livingston para sa umaangat na Nets.

Ang target na maging naturalized player ng Pilipinas na si Andray Blatche ay gumawa ng 11 puntos, apat na rebounds at tatlong assists para sa Brooklyn na ngayon ay nasa panglimang puwesto na sa Eastern Conference matapos ang malamyang umpisa sa season.

Ito rin ang ikapitong panalo ng koponan sa huling walong laro habang ang Heat ay natalo ng apat na beses sa huling limang laban.

Si Chris Bosh ay umiskor ng 24 puntos para sa Miami para umabot na sa 15,003 puntos ang naiskor niya sa kanyang NBA career.

Si Dwyane Wade ay may 22 puntos at si LeBron James ay nalimita sa  19 kahapon.

Knicks 116, Celtics 92
Sa Boston, ginawa ni  Carmelo Anthony ang 19 sa kanyang 34 puntos sa first half para ibigay sa New York ang ikalimang diretsong panalo.

Nagdagdag naman ng 22 puntos si Tim Hardaway Jr. at 13 puntos si J.R. Smith. Nag-ambag din ng 12 puntos at 10 rebounds  si Cole Aldrich sa kanyang kauna-unahang career start para sa Knicks, na naglaro na wala ang starting center na si Tyson Chandler.

Dahil sa panalo, umangat na sa pang-siyam na puwesto ang Knicks sa Eastern Conference at tatlong laro sa likod ng No. 8 Atlanta Hawks.

Si Jeff Green ay may 27 puntos para sa Celtics.

Grizzlies 90, Pelicans 88
Sa New Orleans, umiskor ng driving layup si Mike Conley may 1.5 segundo na lang ang nalalabi para itulak ang Memphis sa panalo.

Read more...