PAUWI ng Pilipinas sa Mayo si Aljoy ng Qatar para sa dalawang buwang pagbabakasyon.
Mula sa Facebook account ng Bantay OCW, nais niyang malaman kung kailangan pa bang mag-renew siya ng kaniyang pasaporte sa Qatar dahil valid na lamang hanggang September 2014 iyon. Nag-aalala siya na baka ma-hold siya sa airport.
Kung aalis siya ng May sa Qatar, apat 4 na buwan na lamang ang validity ng kaniyang passport.
Hindi na pinapayagan iyon. Dapat anim na buwan pang may bisa ang kaniyang pasaporte sa panahon ng kaniyang biyahe. Kaya’t pinayuhan natin siyang magtungo na sa ating Philippine embassy sa Qatar.
Samantala, tanong pa ni Aljoy kung paano naman kaya sa sitwasyon ng kanyang asawa na nasa Kuwait. Pauwi naman ito ng July at mag-eexpire naman sa August ang kaniyang passport.
Exit na ‘anya si misis o ofr good na ang pagbalik sa Pinas.
Nais sana nilang dito na lamang sa Pilipinas magpa-renew ng kanilang mga pasaporte dahil mas mura kaysa sa abroad.
Sa kaso naman ni misis, isang buwan na lamang na valid ang kaniyang passport. Kaya’t mas kailangang ma-renew na niya iyon agad.
Posible raw bang extension na lamang at hindi renewal ang kanilang aplayan?
Pinayuhan natin silang makipag-ugnayan pa rin sa ating embahada dahil sila lamang ang puwedeng magdesisyon hinggil dito.
Pero dapat na talagang magtungo si misis sa embahada.
Hangad namin na makuuwi sa Pilipinas ang mag-asawa ng walang aberya.
Masamang-masama ang loob ng ating texter na si JM dahil may nakasama ‘anya siya sa trabaho sa Macau at nakautang ito sa kaniya ng malaking halaga ng salapi.
Dahil kaibigan, naawa naman siya kayat pinautang.
Ngunit mula noong umuwi siya ng 2011, hindi na ‘anya nakaalala ang naturang kaibigan. Ni hindi ito tumawag sa kaniya o humingi man lang ng dispensa dahil hindi nga siya nakakabayad sa kaibigan.
Hindi na rin niya sinasagot ang mga text at tawag ng ating texter. Pakiusap niya sa Bantay OCW kung puwedeng magamit ang ating mga contact sa Macau at masingil si kabayan.
Gayong personalan na po ang pakiusap ninyo, susubukan na lamang natin na maipadala ang kaniyang pangalan at direksyon ng kaniyang trabaho at tirahan doon. Makikisuyo po tayong maipaabot ang inyong mensahe ng paniningil.
Galing Saudi Arabia si Richard Enero. Nang mag-exit siya, nag-apply naman ito patungong Canada dahil naroon ‘anya ang kaniyang father-in-law noong panahong nag-apply siya. Pinaasa lamang siya at pinatatagal lamang ‘anya ang kaniyang application kung kaya’t nais ni Richard na mabawi na lamang ang P67,000 na ibinayad sa ahensiyang naka-deal. Tanong niya kung ano ba ang dapat gawin?
Payo natin kay Richard na personal niyang ireklamo sa POEA ang ahensiyang pinagbayaran at nang mabawi ang salaping naibigay.
Bantay OCW sa Radyo Inquirer studio!
Nais po naming ipaalam sa ating mga kababayan lalo na yaong mga bagong dating mula sa abroad, na wala na po sa Shaw Blvd., Mandaluyong City ang Bantay OCW Operations Center.
Maaari pong matagpuan ninyo kami sa Inquirer radio station araw-araw, Lunes hanggang Biyernes tuwing 10:30am -12:00 noon sa 2/F MRP Building, Mola St. cor. Pasong Tirad St., Makati City.
Maaaring tumawag muna sa aming Bantay OCW Helpline: 0927.649.9870 o di kaya’y mag-email sa susankbantayocw@yahoo.com o bantayocwfoundation@yahoo.com