Shalani inaatake ng nerbiyos sa nalalapit na kasal

Abalang-abala na ngayon sina Congressman Roman Romulo at Konsehal Shalani Soledad para sa paghahanda sa kanilang nalalapit na pagpapakasal sa January 22, 2012.

Ayaw pang magbigay ng mga detalye ng co-host ni Willie Revillame sa Wil Time, Bigtime, hanggang petsa lang daw muna ng kanilang kasal ang puwede niyang sabihin, dahil hindi pa kumpleto ang listahan ng kanilang wedding entourage.

Aminado naman ang konsehala-TV host na araw-araw ay kailangan nilang maglaan ng panahon ng kongresista ng Pasig City para makausap nila nang personal ang mga kinukuha nilang ninong at ninang sa kasal.

“Mahirap pala ang ganito, napakaraming iniaayos, pero mas mabuti nang kaming dalawa talaga ni Cong. Roman ang nag-aayos sa mga details ng wedding namin. Mahirap, pero pareho na kaming excited,” matipid na komento ng magandang si Shalani.


Ang tanong ng bayan ngayon ay kung ano ang magiging partisipasyon ni Willie Revillame sa pagpapakasal ni Shalani, siyempre’y hindi naman nila kukuning ninong sa kasal ang aktor-TV host, ayon sa dalaga ay may mahalagang bahagi sa kanilang kasal si Willie.

“Hindi namin siya malilimutan sa okasyon, siyempre. Dahil kay Willie, mas naging makulay ang buhay ko, isinalang niya ako noon sa show niya nang wala pa naman akong masyadong alam sa hosting.

“‘Yung pagtitiwalang ibinigay niya sa akin, hindi ko ‘yun malilimutan. Hindi naman kasi lahat ng taong successful na, e, katulad niya na marunong mag-share ng stage sa ibang tao,” makahulugang komento ni Shalani.

Inaabangan na ang kanilang pagpapakasal ni Congessman Roman Romulo, ngayon pa lang ay pinaghahandaan na ‘yun ng kanilang mga nasasakupan, aminado naman si Shalani na ngayon pa lang ay inaatake na siya ng tensiyon at excitement sa napakahalagang kaganapan na ito sa kanyang buhay.

Pasadong-pasado sa pamilya ng dalaga ang kongresista, sabi nga ni Mommy Evelyn Soledad, “Marespeto siya, very low key, tanggap na tanggap namin siya sa aming pamilya.”

Read more...