TATAPUSIN na ni Manny Pacquiao ang kanyang training camp sa General Santos City at tutungo na sa Estados Unidos ngayon para sa ikalawang bahagi ng kanyang paghahanda para sa nalalapit na grudge rematch kay Timothy Bradley Jr. sa Abril 12 sa Las Vegas, Nevada.
Sinusulit ang nalalabing oras dito, magsasanay pa ngayong hapon si Pacquiao at sasabak sa isang sparring session kay Lydell Rhodes sa Pacman Wild Card Gym sa GenSan.
Matapos nito ay luluwas si Pacquiao kasama ang Team Pacquiao na pangungunahan ni chief trainer Freddie Roach sakay ng pribadong eroplano ni Chavit Singson patungo sa Maynila kung saan kumuha sila ng night flight patungo sa Los Angeles, California, USA.
Kasama rin sa grupo sina assistant trainers Buboy Fernandez at Nonoy Neri, adviser Michael Koncz, strength and conditioning trainer Cecilio Flores at Roger Fernandez.
Ayon sa Inquirer Mindanao, si Flores, na isang nutritionist, ay pinapakain si Pacquiao ng all-organic diet para lalong lumakas ang kanyang katawan.
Samantala, si Bradley, na naagaw ang World Boxing Organization (WBO) welterweight crown mula kay Pacquiao sa kontrobersyal na split decision noong Hunyo 2012, ay dumadaan naman sa isang vegetarian diet kapag nag-eensayo.
Maliban sa pagiging vegan, inamin din ni Bradley sa panayam ng ABS-CBN North America na may ritwal siya na hindi naliligo bago ang kanyang laban.
Sinabi naman ni Roach na nasa 80 porsiyento na ang kondisyon ni Pacquiao na sasakto naman sa kanyang mas matinding pag-eensayo na gagawin sa Wild Card Gym sa Hollywood.
Makakasagupa ni Pacquiao bilang mga sparring mates ang mga dating kampeong sina Kendall Holt at Steve Forbes at ang batang boksingerong si Julian Rodriguez.
Si Pacquiao ay galing sa kumbinsidong panalo laban kay Brandon Rios nitong Nobyembre.
Sina Bradley (31-0, 12 knockouts) at Pacquiao (55-5-2, 38 KOs) ay maglalaban para sa WBO 147-pound title sa MGM Grand Garden arena sa Las Vegas.