10 koponan sasabak sa D-League Foundation Cup

SAMPUNG koponan ang maglalaban-laban sa PBA D-League Foundation Cup na magbubukas na sa Marso 24.

Mangunguna rito ang nagdedepensang kampeon na Blackwater Sports at Aspirants’ Cup champion NLEX Road Warriors.

Ang iba pang kasali ay ang Big Chill, Café France, Cebuana Lhuillier, Cagayan Valley, Boracay Rum, Jumbo Plastic, Hog’s Breath Café at Derulo Accelero.

Nagdesisyon naman ang mga koponan ng Wangs Basketball, Zambales Builders, NU-Banco de Oro at Arellano University-Air21 na magpahinga muna matapos lumahok sa Aspirants’ Cup.

Nagsimula na ang mga kasaling koponan sa pagpapalakas ng mga lineups at ang Elite ay hinugot sina 6-foot-5 Reil Cervantes at mga guards na sina John Pinto at Don Trollano para palakasin ang koponan.

Si Cervantes ay dating  naglaro sa Big Chill na pumangalawa sa NLEX sa nakalipas na conference habang sina Trollano at Pinto ay nagsama sa Cagayan Valley.

Naunsiyami ang Elite sa hangaring ikalawang sunod na pagpasok sa Finals nang natalo sa huling dalawang laro sa Superchargers sa best-of-three semifinals.

Tiniyak ni Blackwater Sports coach Leo Isaac na hindi na sila binabagabag ng pangyayaring iyon at buhos ang isipan sa Foundation Cup na maaaring maging kahuli-hulihang conference nito sa  D-League dahil sa plano na umakyat na sa PBA.

“Mataas ang morale ng team,” pahayag ni Isaac. “We don’t dwell on the past. We look forward to a good conference.”

Ang pagpasok ni Cervantes ay nagpatibay sa ilalim ng koponan na dati ay iniaasa kina Narciso Llagas, Gio Ciriacruz at Paolo Pe.

Inaasahan na ang NLEX ang siyang magiging mortal na karibal ng Blackwater Sports dahil nais nilang bawiin ang titulong inagaw sa kanila para pagningningin din ang posibilidad na masama sa PBA sa susunod na season.

Read more...