Angel, Phil may kakaibang trip

Ni Regee Bonoan

HALOS iisa ang comment ng mga katotong dumalo sa solo presscon ni Angel Locsin para sa sitcom na Toda Max nu’ng Martes ng gabi, “Ang ganda ni Angel ngayon, blooming, kakaiba ang ngiti at halatang masaya.”  

Totoo naman bossing Ervin (Bandera entertainment editor) kaya nga nu’ng masolo namin siya ay sinabi naming ang ganda-ganda niya kahit na puyat pa siya. Ang sagot niya sa amin, “Ikaw ate Regg, sampung taon na tayong magkakilala, hindi ba ako maganda dati?” Sinabi namin sa kanya ng kakaiba ang aura niya ngayon.

“Talaga? Salamat naman, siguro ‘yung at peace ka lang, wala kang masyadong stress, happy ka lang,” matamis ang ngiti na sabi ni Angel.

Kaya balik-tanong namin sa kanya, stress ba siya noon? “Well siguro sa trabaho and all. Parang ngayon lang kasi, siguro magte-ten years na rin ako, mas alam ko na kung paano i-handle ang mga blessings na dumarating sa buhay ko na nakakapagbigay happiness sa akin.”

Si Phil Younghusband ba ang dahilan kung bakit blooming siya ngayon? “Paano ba, parang hayskul ka? Ha-hahaha! Kung na-experience ninyo ‘yung kilig nu’ng hayskul, ganu’n. Hindi siya nawawala!” sabi ng aktres.
Sa totoo lang sa 10 taon naming magkakilala ni Angel ay ngayon lang siya nagsabi na kinikilig siya na parang hayskul sa isang lalaking nagpapasaya sa kanya, “Ang hirap i-explain, eh.  Pero parang ganu’n nga. Isa po akong 26 years old na parang hayskul, parang ganu’n ang feeling.”

“Hindi ko naman sinabing wala dati, unfair naman sa mga naging ex ko. Kumbaga, siyempre kung mayroong humahanga sa ‘yo, me umaalaga sa ‘yo, lahat naman tayo ganu’n ang nararamdaman, inspired ka lang, happy ka and parang mas may drive ka to do better,” paliwanag ng aktres.

Matatandaang nu’ng Pebrero lang nag-umpisang magpakilala sa kanya si Phil sa pamamagitan ng Twitter, inanyayahan siya ng football player na mag-dinner at sino bang mag-aakala na darating pala sa seryosohan ang lahat?

“Oo, sabi ko nga sa kanya nu’ng una ayoko siya talagang i-meet. Kasi di ba, hindi pa ako ready noon na mag-entertain, hindi pa ako ready pumasok sa isang relationship at all. Then, parang we found love in hopeless case, sabi nga nila, ano ‘yung kantang ‘yun?” tumatawang kuwento ni Angel.

Sabi nina Angel at Phil, they’re two people in love, pero hindi naman nila masabing may relasyon sila, ano bang klaseng relasyon? “Mahirap kasing sagutin, kasi everytime na magkasama kami, hindi namin napag-uusapan, para kaming nao-on the spot na, ‘Ano ba, tatanungin mo (Phil) ba ako ngayon? Parang ganu’n.  Pero ito ‘yung nagwo-work sa amin ngayon, kaya humihingi  kami ng pasensiya sa mga hindi po naiintindihan ang ganitong set-up,” sabi  ni Angel.

Paano ba inaalagaan ni Phil si Angel? Isa ba sa nagpapakilig sa aktres ay ipinagluluto siya ng binata? “Pinadadalhan niya ako ng pagkain, luto niya ‘yun, sila ng mom (noong buhay pa) niya, pero matagal na ‘yun.  Alam niyang favorite ko kasi ang sinigang, so nagluto siya ng sinigang na hindi ko maintindihan kung paano niya nagawa kasi hindi naman siya sanay kumain before ng Filipino food, pero ngayon, favorite na rin niya,” masayang kuwento ni Angel.

Samantala, abut-abot daw ang panalangin ni Angel nu’ng nakaraang Sabado sa laro ng Philippine Azkals versus LA Galaxy na maka-goal si Phil, “Nu’ng maka-goal si (David) Beckham, nag-pray ako ng, ‘Lord, kahit isa lang (goal)!’ Kasi alam ko talaga na ‘yun ‘yung dream niya, na makasama sina Beckham, tapos maraming taong manonood especially mga kabataan.

“Hindi ko alam kung pinakinggan nga ako ni Lord, kasi naka-goal nga si Phil, tapos sabi ko, ‘Lord, isa pa, tapos hindi na ako pinakinggan. Ha-hahaha!” natatawang kuwento ni Angel.

Kinunan din namin ng reaksyon ang dalaga tungkol sa pangalan niyang pinaburda ni Phil sa sapatos nito bilang pampaswerte kapag may laro sila, “Oo, inorder niya ‘yung shoes, tapos pinalagay niya ‘yung name ko, for luck nga raw. Ayokong sabihin na ako ang lucky charm niya baka hindi na mag-work.  Nakakahiya naman, di ba? Masaya lang kasi parang naaalala ka niya everytime na may game siya. Nakakataba ng puso.” May plano rin ba siyang magpalagay ng pangalan ni Phil sa pamamagitan ng tattoo? “Ay hindi, may mga tats ako, pero hindi po ako magpapalagay, unless married na ako,” diretsong sabi ng dalaga.

Samantala, tinanong si Angel kung bakit bigla siyang pumayag na maging regular na sa sitcom nina Robin Padilla at Vhong Navarro na Toda Max, lalo’t alam naman ng lahat na mas kilala siya sa drama kesa sa comedy?

“Oo nga po, ako si Isabel Padausdos, girlfriend ni Vhong. Dapat one day guesting lang ako, hindi sinasadya kasi na-enjoy ko ‘yung guesting ko tapos naging two days, tapos tinawagan nila ako kung gusto ko raw maging regular and ang saya kasi sa set.

“And ‘yung magkaroon ako ng chance na makatrabaho si direk Malu Sevilla, gustung-gusto ko talaga siyang makatrabaho kasi magkaibang unit po kami, usually doon po ako sa unit ni tita Malou (Santos) and ngayon po, nagkaroon ako ng chance na mag-work sa ibang unit (Raymund Dizon) naman po at nakilala ko ang ibang staff.

“Dito sa sitcom, mayroon akong freedom na tumawa buong araw at iyon ang na-appreciate ko,” paglalarawan ni Angel sa bago niyang role bilang comedy aktres.

To date, ang Toda Max ay may hawak ng highest rating in terms of comedy sa ABS-CBN at talo rin niya ang katapat na programa sa GMA at TV5.

Read more...