CHARLOTTE, North Carolina — Tumira ng 34 puntos ang sentrong si Al Jefferson para pangunahan ang Charlotte Bobcats sa 109-87 panalo kontra sa nangungunang Indiana Pacers kahapon sa NBA.
Ito ang ikalimang sunod na home win para sa Bobcats na nasa ikapitong puwesto sa Eastern Conference standings.
Tumira ng 16-of-25 field goal si Jefferson na humugot din ng walong rebounds sa laro.
Noong Martes ay gumawa siya ng 38 puntos at 19 rebounds ngunit tinalo sila ng nagdedepensang kampeong Miami Heat, 124-107.
Ang Charlotte ang unang team mula noong 2009-10 season (Knicks) na nakasagupa ng sunud-sunod ang top four teams ng liga. Bago sila natalo ng Miami ay yumuko rin ang Bobcats kontra San Antonio Spurs (92-82) at Oklahoma City Thunder (116-99).
Nakatulong naman sa Charlotte kahapon ang masamang paglalaro ng All-Star forward ng Pacers na si Paul George.
Si George ay umiskor lamang ng dalawang free throws at nagmintis sa lahat ng kanyang siyam na field goal attempts.
Nanguna naman para sa Pacers si Evan Turner na may 22 puntos.
Rockets 101, Magic 89
Sa Orlando, ibinuhos ni James Harden ang 25 sa kanyang 31 puntos sa second half para tulungan ang Houston na burahin ang double-digit lead ng Orlando sa first half.
Nagdagdag naman ng 19 puntos at 14 rebounds ang dating Magic center na si Dwight Howard para sa Rockets.
Nagbalik naman mula sa injury kahapon si Arron Afflalo na gumawa ng 18 puntos para sa Magic.
Hindi nakapaglaro para sa Orlando sina Jameer Nelson at rookie Victor Oladipo dahil sa injury.
Blazers 102, Hawks 78
Sa Portland, gumawa ng 14 puntos at career-high 18 rebounds si Nicolas Batum para itulak ang Blazers sa panalo.
Naputol naman sa 127 games kahapon ang streak ni Hawks guard Kyle Korver na may at least isang three-pointer sa bawat laro.
Bago ang 127 game streak ni Korver, ang record na ito ay hawak ni Dana Barros na tumira ng tres sa 89 diretsong laro mula 1994 hanggang 1996.
Kahapon ay nagmintis si Korver sa limang tira niya mula sa three-point area at nagtapos na may limang puntos lamang.
Si Mo Williams ay may 15 puntos para sa Portland mula sa bench.
Si Cartier Martin naman ay umiskor ng 16 puntos para sa Hawks na nahulog sa ikaapat na sunod na kabiguan. Gayunman, nasa ikawalong puwesto pa rin ang Atlanta sa Eastern Conference.
Wizards 104, Jazz 91
Sa Washington, gumawa ng 26 puntos si Trevor Ariza at nag-ambag naman ng 22 puntos si Bradley Beal para ibigay sa Washington ang ikapitong panalo sa huling walong laro.
Si John Wall ay nagdagdag ng 14 puntos at 10 assists habang si Marcin Gortat ay may 16 puntos at siyam na rebounds para sa Wizards.
Si Alec Burks ay may 19 puntos para sa Jazz.