Donaire dadaan sa butas ng karayom vs Vetyeka

NAKIKITA ni Bob Arum ng Top Rank na dadaan sa butas ng karayom ang dating RING super bantamweight champion na si Nonito Donaire laban kay Simpiwe Vetyeka ng South Africa sa Mayo 31 sa Cotai Arena sa Macau, China.

Ang laban ay para sa WBA at IBO featherweight title ng 33-anyos na si Vetyeka at nakikita ni Arum na mapapalaban ng husto si Donaire.

Si Vetyeka ay nagpakita ng husay sa sixth-round panalo niya sa dating WBA champion na si Chris John ng Indonesia noong Disyembre 6.

Sumuko si John nang hindi na tumayo matapos tumunog ang bell na nagpasimula sa ikaanim na round para kunin ng IBO champion ang ika-26 panalo sa 28 laban sa ika-16th KO tagumpay.

“Vetyeka made a big splash by beating Chris John. I really don’t know if Donaire is going to be the favorite. Donaire might go in as the underdog for this fight,” wika ni Arum.

Pagtatangkaan ng 31-anyos na si Donaire ang ikalimang titulo sa magkakaibang dibisyon laban kay Vetyeka.

Naging kampeon na si Donaire sa flyweight, super flyweight (interim), bantamweight at super bantamweight divisions.

Naisuko ni Donaire ang WBO super bantamweight title sa unification fight nila ng WBA champion na si Guillermo Rigondeaux ng Cuba sa pamamagitan ng unanimous decision noong Abril 2013.

Nakabangon na si Donaire sa pagkatalong iyon nang patulugin niya si Vic Darchinyan sa ninth round sa kanilang rematch noong Nobyembre at nangako na magiging kampeon muli sa darating na Mayo 31.

Read more...