No to Saudi, Middle East para sa Pinay OFW

ISANG email mula kay Archie ng Saudi Arabia ang natanggap ng Bantay OCW upang ihingi ng tulong ang kalagayan ni Arcelie na nasa Amman, Jordan, dating ka-live in at ina ng kanilang 8-anyos na anak.

Kwento niya, tumawag ang kapatid ni Arcelie mula sa Pilipinas at sinabi nitong minamaltrato, inaabuso at sinasaktan si Arcelie ng kanyang employer.

Tinawagan ang dating partner at nakumpirma niyang masama nga ang tratong tinatanggap nito sa kanyang employer.

Napakabrutal umano ng kanyang amo. Maraming pasa at sugat na ang kanyang dinanas. Napilayan na siya at inumpog pa nang maraming beses ang kanyang ulo.

Bukod sa pisikal na pananakita, verbally abused din si Arcelie.

Kaya naman matapos siyang makausap ni Archie, wala na ring inaksayang oras si Arcelie at agad itong tumakas patungo sa Philippine Embassy ng Amman sa Jordan.

Mabilis namang kumilos ang ating mga opisyal ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) at kinatawan ng OWWA (Overseas Workers Welfare Administration) upang tulungan si Arcelie.

Pakiusap ni Archie na agad sanang makauwi sa lalong madaling panahon ang ina ng kaniang anak.

Matapos naming matanggap ang email ni Archie ay may update namang ipinadala ang Philippine Embassy ng Jordan.

Kinukumpira nga nilang humingi na ng tulong si Arcelie sa POLO at kasalukuyang nasa pangangalaga na ng kanilang Filipino resource center o Bahay Kalinga.

Dinala si Arcelie sa ospital upang maipagamot ang mga mga sugat at pasang natamo para na rin makakuha ng opisyal na report ng kanyang medical examination.

Para naman sa kasong isasampa sa pulisya, na-endorso na sa ATN (Assistance to Nationals) si Arcelie at nakatakdang dalhin sa himpilan ng pulisya upang magsampa ng reklamo laban sa kaniyang mapang-abusong employer.

Hinihintay na lamang ng Bantay OCW ang magiging resulta ng aksyon na ito ng ating POLO-OWWA sa Jordan upang makauwi na si Arcelie at labis-labis naman ang pasasalamat ni Archie mula sa Saudi dahil sa mabilis din nilang pagtugon sa kasong ipinadala niya sa embahada sa pamamagitan ng email.

Bakit palaging pang-aabuso na lamang ang inaabot ng ating mga kababaihan sa kamay ng kanilang mga employer? Hindi na nga ba ito mahihinto? Walang nababago sa mga balitang natatanggap natin, paulit-ulit na lamang.

Kahit saang panig ng mundo, mapa-Asia, Gitnang Silangan, Amerika o Europa man, palaging may pang-aabuso.
Ngunit may mga bansang tinatakan na dahil sa labis-labis na paghihirap na dinaranas ng ating mga kababaihan tulad na lamang sa mga bansa sa Middle East.

Ngunit bakit nagpapatuloy pa rin ang pagpapadala sa doon? At para naman sa ating mga OFW, bakit patuloy pa ring pumapayag sila na ipadala sa mga bansang iyon?

Sabagay, wala namang magagawa ang ating mga kababaihang ito kung hindi na sila papayagan ng pamahalaan na magtungo sa mga bansang mapanganib at lantad para sila abusuhin.

Sa loob ng 17 taon paglilingkod ng Bantay OCW sa ating mga OFW, iyon at iyon din ang kuwento ng mga pang-aabuso sa ating mga Pinay OFW.

Kaya bakit pa nga ba kayo pumapayag na ipadala sa mga bansang iyan? Noon pa man, No To Saudi! No to Middle East! ang posisyon ng Bantay OCW para sa ating mga kababaihan.

Read more...