MUKHANG wala nang makakapigil sa pagtakbo ni Vice President Jejomar Binay sa 2016 presidential elections.
Kumalas na siya sa Partido ng Demokratikong Pilipino na nakalinya ngayon sa administrasyon.
Syempre alam ni Binay na hindi naman siya ang mamanukin ng Liberal Party sa pagbaba ni Pangulong Aquino.
Kaya normal at tama lamang siguro na kumakalas na siya para ngayon pa lang ay mabuo na niya ang kanyang grupo.
May mga nagsasabi na kung ngayon gagawin ang eleksyon, malaki ang tiansa ni Binay na manalo.
Ang dahilan kasi, walang linaw kung sino ang kanyang makakalaban.
Pero paano kung nariyan na ang ibang kandidato, maging winnable pa rin kaya siya?
O baka matulad siya kay dating Vice President Noli de Castro?
Gaya ni Binay, mataas ang popularity at trust rating ni de Castro noong Arroyo government.
Kung ano ang baba ng rating ni dating Pangulong Gloria Arroyo kabaliktaran ito ng kay de Castro kaya siya ang isa sa mga sinasabi noon na maaaring maging presidential candidate.
Pero bago magsimula ang kampanya ay nag-iba na ang timpla, nawala na si de Castro sa mga presidential contenders.
Kaya ang tanong, magaya kaya si Binay kay de Castro na malakas lang noong malayo pa ang eleksyon?
At kung mayroon umanong dahilan kung bakit mag-aalangan ang mga botante na pumunta kay Binay ay ang kanyang pamilya.
Nakapuwesto kasi ang kanyang mga anak—nandyan si Sen. Nancy Binay, Mayor Junjun Binay at Congresswoman Abigail Binay. Talagang tinuhog na ang lahat ng puwesto….
Kung magiging presidente pa ang tatay, baka talagang makilala na ang bansa bilang Binay Republic.
Naalala ko tuloy ‘yung insidente kung saan hinarang ng guwardya ang sasakyan ng mga anak ni Binay sa isang mamahaling subdibisyon.
Ganoon ba talaga sila sa Makati?
Isa pang tanong ay kung tatakbo pa ba si Sen. Jinggoy Estrada matapos na magkasabit-sabit siya sa mulit-bilyong pisong pork barrel fund scam?
Noon, kasama sa plano ang pagiging bise presidente ni Sen. Estrada kay Binay. At siyempre kung mananalo siya, pagiging presidente ang susunod na target.
Pero ngayon ay mukhang mas malinaw na ang Plan B—ang muling pagtakbo sa presidential race ni Manila Mayor Joseph ‘Erap’ Estrada.
Kung noong 2010, pumangalawa si Estrada, malaki ang tiyansa na manalo ito kung walang isang ‘Noynoy Aquino’ na lalabas.
At kung magkakaganito, mukhang tuluyan nang maghihiwalay sina Binay at Erap.
Hindi naman pwedeng dalawa silang maging kandidato sa pagka-presidente sa iisang partido.
Mukhang mas malabo naman na bumaba si Estrada sa pagiging bise presidente.
Isa pang opsyon ang pagtakbo ni Binay sa pagkabise presidente ni Erap. Sa ilalim ng Konstitusyon, maaari siyang umupo ng dalawang magkasunod na termino.
Pero gagawin ba ito ni Binay? Mukhang hindi na makakapaghintay si Binay.