HINDI lahat ng nasa bilangguan ay may kasalanan. Karamihan sa kanila ay na-frame up lamang o biktima ng pagkakataon.
Napanood ko noong Linggo ng gabi ang pagkakakulong kay William Dillon sa “CI” (crime and investigation) channel.
Nakita ko ang pagkakapareho ng kaso ni Dillon at ng kay Hubert Webb, anak ni dating Sen. Freddie Webb.
Ang dalawa ay biktima ng maling sistema ng hustisya.
Si Dillon ay nakulong sa pagkakapatay sa pamama-gitan ng pagpalo sa ulo ni James Devorak, isang bakla, sa beach ng Melbourne, Florida, noong 1981.
Si Webb, kasama ang iba pang kalalakihan, ay na-convict sa pagpaslang sa pamilya Vizconde—sina Estrellita, Carmela at Jennifer—noong 1991 sa B.F. Homes, Parañaque. Si Carmela ay ginahasa bago pinatay.
Sina Dillon at Webb ay nakalabas sa bilangguan matapos ang maraming taon; si Dillon, 29 taon at si Webb, 18 taon.
Si Dillon ay nakulong sa mga testimonya ng isang dog handler na gumamit ng isang “trained” German Shepherd sa pag-amoy ng salarin; ng isang babae na nagsabi na nakita niyang may dugo ang t-shirt ni Dillon; at ang kalahating bulag na lalaki na nagkamaling kinilala si Dillon na sa kanya sumakay noong gabi ng krimen.
Si Webb at ang kanyang mga co-accused ay nakulong dahil sa testimonya ni Jessica Alfaro, na di naman kilala nina Webb at ng kanyang kasamahan; ang mga dating katulong sa bahay ng mga Webb na nagsabi na nakita nila si Hubert na maraming dugo ang damit isang gabi.
Sa trial nina Dillon at Webb, ang mga hukom ay di pinansin ang di pagkakatugma ng sinasabi ng mga testigo.
Sa kaso ni Dillon, di pinansin ng judge ang pagbawi ng testimonya ng babae noong sabihin niya na di siya sigurado kung ang t-shirt na suot ni Dillon noong sila’y nagkasama sa motel noong gabi ay may dugo.
Sa umpisa pa lang ng “trial of the (20th) century,” si Judge Amelita Tolentino ay di rin pinansin ang pag-udyok ng isang babaeng ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) kay Alfaro na ituro si Antonio Lejano II, na sinasabi ni Jessica na kanyang boyfriend, sa hanay ng mga akusado.
Hindi kilala ni Alfaro si Lejano.
That was the NBI’s most disgraceful moment: Pagprisinta ng isang di kapani-paniwalang testigo sa katauhan ni Jessica Alfaro na naging sanhi ng pagkakakulong ng mga taong walang kasalanan.
There was a tinge of irony sa kaso ni Dillon dahil mismo ang kanyang pamilya ay naniniwala sa paratang sa kanya dahil ang akala nila ay “hindi nagkakamali ang hustisya ng America.”
Ibang-iba naman sa kaso ni Webb dahil lahat ng kanyang pamilya ay nasa likod niya. Ito ang naging dahilan sa pagkatalo sa Senate race ng padre de pamilya ng mga Webb na si Freddie.
Ang DNA test kay Dillon matapos ang mahabang panahon ang nagpalabas sa kanya sa bilangguan.
Sa kaso ni Webb, nawala ng NBI ang sample ng kanyang semilya na kanyang ibinoluntir noong kanilang trial na ayaw pansinin ng judge.
Supreme Court ang nagpawalang sala kina Hubert sa isang split decision: 7-4.
Ang kagandahan ng US justice system, nakilala ang mga tunay na salarin sa pagpatay kay James Devorak at ngayon ay pinaghahanap.
Pero sa ating hustisya, hindi hinahanap ng mga alagad ng batas ang mga salarin sa Vizconde massacre.
And to the credit of the US system, binigyan ng $1.3 million si Dillon bilang damyos.
Pero sa atin, hindi nagpadala ng paumanhin ang gobiyerno sa pagpapakulong ng mga inosenteng mamamayan.
Si Amelita Tolentino, yung judge na nagpakulong kina Webb, ay na-promote at ginawang justice ng Court of Appeals kung saan siya ay maaaring gumagawa ng mga palpak na desisyon.