SIGURADONG may susunod na proyekto na si Toni Gonzaga sa Star Cinema matapos ang tinamong tagumpay ng “Starting Over Again” sa takilya. Pero hindi pa masabi ng Multi-media Star kung ano naman ang magiging tema nito.
“Magmi-miting pa ulit kami next week, ilalatag pa lahat kaya hindi ko alam pa kung ano ang next project ko. Pinag-uusapan nina Inang (Olive Lamasan), tita Malou (Santos), pero wala pang final kasi hindi pa tapos ang pelikula, umeere pa, e, so wala pang desisyon,” say ni Toni sa thanksgiving presscon na inihanda nina Daddy Carlito at Mommy Pinty.
Marami kasi ang humihiling na bigyan kaagad ng follow-up movie si Toni habang mainit pa ang “Starting Over Again” na balitang kumabig na ng P340 million bukod pa sa kinita nito sa ibang bansa at higit sa lahat, habang hindi pa nag-aasawa ang TV host-actress-singer.
“Hindi ko alam talaga kung magkano, may nagsabing P350 million na, may nagsabing P340 o close to P400, hindi ko talaga alam pa siyempre gusto naming lahat na tumaas pa,” say ng dalaga.
Dagdag pa, “Nagulat nga ‘yung sa US kasi newcomer daw is making waves with 52 theaters at naka-$650,000 daw, hindi pa counted sa kinita dito, kaya thank you talaga Lord! Maraming salamat Lord!”
Samantala, may nagsabing posibleng maabutan na niya ang kinita ng “Girl Boy Bakla Tomboy” na umabot sa P430 million.
“Huy, mahal ko si Vice (Ganda) hindi ko pa iniisip ‘yun.
Actually, ang target lang namin ay kumita ang pelikula, umabot na sa hundreds of million kasi mabigat ‘yung pelikula na ginawang light.
“Natutuwa ako kay Vice kasi nag-promise siya na manonood ng premiere night kasi nga may problem daw sa eyes niya, nagpa-check up siya.
So nagpa-block screening siya, first time na may gumawa sa akin no’n na (artista) kaya na-touch talaga ako, sabi ko talaga, ‘thank you (Vice), maraming salamat.’”
At nabanggit daw ni Vice sa Showtime na, “Hanggang P390 million lang kayo (Starting Over Again), huwag na kayong lalampas.”
Sagot naman ni Toni, “Mahal ko naman si Vice, pero kung lalampas, e, magkaibigan pa rin kami. Kahit anong mangyari ay hindi makakaapekto iyon sa pagkakaibigan namin at kay Vice na ‘yung tronong Phenomenal talaga.”
Natanong din ang TV host-actress kung love is greater than lust? “Oo totoo ‘yun sa panahon ngayon, dapat tasteless. Tulad sa tester ng pabango sa department store, ayaw bilhin ang buong pabango kasi naamoy na, naamoy na.
“Ayaw ko magpa-tester, gusto ko bilhin ang buong product. Hindi kasi lugi ang babae, para sa akin bilang paniniwala ko. Hindi ko naman inaano ‘yung paniniwala ng iba, iyon ay sa akin lang, iba rin ang opinyon ng iba, nirerespeto ko ‘yun,” maayos na paliwanag ni Toni.
At sa edad na 30 ay aminado si Toni na tila ayaw pa rin siyang payagang mahiwalay ng magulang niya dahil sa tanong namin kung saan sila maninirahan ni direk Paul kapag kasal na.
“Hindi ko alam, ano ba ‘yan, wala pa nga, kaya nauudlot, eh. Pero base sa pakiwari ko, nagpa-extend ng bahay ang magulang ko, ‘yung kabilang lote ng bahay namin ay binili, so iyon ang hindi ko alam,” natatawang sabi ng dalaga.
Base rin sa panayam namin kay daddy Carlito mas gusto niyang sa Taytay, Rizal pa rin manirahan ang panganay maski na may asawa na ito, “Kasi para sa akin, nakaka-relax kapag sa Taytay, maraming lusutan, may Pasig, may Cainta, may Marikina, may Antipolo, kung baka urbanization palang doon, so (hindi pa masikip).
“At saka makakahinga ka roon pagkatapos ng trabaho o pagod ka, iyon, e, para sa akin lang bilang tatay. Pero kung ano ang gusto nila ni Paul, e, bahala sila. Iyon ang sa akin lang,” paliwanag ng ever-loving tatay ni Toni.
Sa tanong namin kung handa na siya na isa sa mga araw na ito ay magpapaalam ng mag-asawa si Toni? “Maski hindi, kailangan kong ihanda ang sarili ko, kailangan kong tanggapin kasi doon na siya papunta, 30 na siya, so doon na talaga.
“Kasi bilang ama, gusto ko sana, sa akin pa rin ang mga anak ko, sama-sama pa rin kami, yayakapin ko pa rin sila, magkakasama kami pero hindi puwede kasi di ba, alam naman natin na darating ang panahon, e, magkaka-pamilya rin sila.
Kaya ang akin, sana sa Taytay sila tumira,” katwiran ni daddy Carlito. Nabanggit din ni daddy na hindi niya kaagad nagustuhan si direk Paul, pero napansin niyang maayos makitungo at talagang nag-adjust sa kanila ni mommy Pinty, “E, kasi si Paul, laking Amerika ‘yan, siyempre, iba ang takbo ng utak at isip niya, iba kasi kapag doon ka lumaki kumpara mo rito.
“Ang nagustuhan ko, nag-adjust siya sa amin at sinisipat-sipat ko naman, pinag-aaralan ko, okay naman, kasundo naman sila ni Toni,” pagtatapat ng ama ng TV host-actress.
At sa tanong kung papipirmahin niya ng pre-nuptial agreement si direk Paul kapag ikinasal na sila ng anak, “Para sa akin, hindi, kasi bakit? Para saan? Siguro para sa mararaming pera iyon o sa sobrang yaman.
Hindi naman kami ganu’n. “Naniniwala kasi ako kapag naging mag-asawa kayo, ‘as one’ na kayo. Kung ano ang naipundar ninyo, sa inyong mag-asawa iyon o anuman.
Naniniwala ako na ang pera ng lalaki, sa babae, pera ng babae, sa babae pa rin (sabay ngiti), pero hindi, para mag-asawa iyon,” magandang sabi ng tatay ng dalaga.