Alwyn Uytingco: Hindi dapat pandirihan ang mga beki!


BAGUIO City–”Hindi naman dapat pandirihan ang mga bading!”  Ito ang paninindigan ng Kapatid young actor na si Alwyn Uytingco na magbibida sa bagong soap opera ng TV5 na Beki Boxer.

Isa na namang mapaghamong papel ang gagampanan ni Alwyn sa kauna-unahang bekiserye ng Kapatid network – isang baklang boxer na handang gawin ang lahat mapatunayan lang sa buong mundo na kahit bading ay pwede pa ring tanghaling champion pagdating sa basagan ng mukha sa ring.

Sa presscon ng TV5 na ginanap rito, bilang bahagi pa rin ng selebrasyon ng Panagbenga Festival at para na rin sa mga bagong serye ng istasyon, sinabi ni Alwyn na bilib na bilib siya sa mga talentadong bading kaya karapat-dapat lang silang irespeto at bigyan ng pantay na karapatan tulad ng ie-enjoy ng mga babae at lalaki.

“May sarili akong take sa mga beki, marami akong friends na gay, masaya silang kasama at marami talagang maipagmamalaki sa kanila.

May mga kumukuwestiyon pa rin sa kanila, pero for me ang bottomline pa rin, yung pagiging mabuting tao mo, yung pakikipag-kapwa tao mo,” pahayag ng binata.

Wala pa naman daw masamang experience si Alwyn sa mga bading at never din daw siyang nabastos ng beki, “Kasi friendly talaga ako sa gays, kaya kapag may something na sinasabihan ko agad na friends na lang.

Hanggang du’n lang talaga.” Speaking of Beki Boxer, hindi naman natatakot si Alwyn na baka ma-offend o mabwisit ang mga tunay na boxer dahil nga lalagyan nila ng kabaklaan ang kanilang propesyon.

Feeling ng aktor magiging inspirasyon pa nga ito sa mga beki na may itinatagong galing sa pagboboksing. In fairness naman, napapanahon din ang pag-ere ng Beki Boxer dahil sa paglantad na rin ng ilang mga kilalang atleta, lalo na sa Amerika, ng tunay nilang kasarian.

At nagsasabing hindi hadlang ang pagiging bakla para magtagumpay sa isang larangang nakilala lang na para sa mga lalaki.
Makakasama rin ni Alwyn sa seryeng ito si Vin Abrenica bilang ka-loveteam niya, sa direksiyon ni Jade Castro at mapapanood na sa TV5 very, very soon.

Samantala, tungkol naman sa kanyang personal life, umaasa si Alwyn na sa kasalan na mauuwi ang relasyon nila ng Kapuso young actress na si Jennica Garcia.

Sey ng binata, nakikita niya na si Jennica na ang babaeng makakasama niya for the rest of his life. Apat na taon nang magkarelasyon ang dalawa at in fairness, talagang napanatili nila ang pagiging private ng kanilang love affair, wala tayong naririnig na intriga sa kanila.

At mukha namang botong-boto na si Jean Garcia sa relasyon ng kanyang anak at ni Alwyn. Samantala, tagumpay naman ang naging Kapatid show rito sa Baguio na naging hudyat ng pagtatapos ng Panagbenga festival.

Bukod kay Alwyn, nakisaya rin sa event sina Ogie Alcasid, Alice Dixson at Mark Neumann para sa bagong tawaserye na Confessions Of A Torpe, at ang grupo ni Eula Caballero at all-male group na Juan Direction para naman sa sitcom na One Of The Boys kung saan kasama rin si Joey de Leon.

 

Read more...