Vhong ‘ninakawan’, sisingilin ng milyones sina Deniece, Cedric at Roxanne


Kating-kati na ang mga kamay ni Vhong Navarro sa pagtatrabaho. Hindi kasi siya sanay nang nababakante, palagi siyang may ginagawa, ganu’n na ang kinasanayang sistema ng kanyang katawan.

Mahigit na isang buwan na siyang hindi napapanood, pagkatapos niyang maospital dahil sa pagkabugbog sa kanya ay nagpagaling pa siya at saka inasikaso ang mga kasong isinampa niya laban sa grupo nina Cedric Lee at Deniece Cornejo, malaking panahon na niya ang nakokonsumo dahil sa nangyari sa kanya.

Gustong-gusto na niyang magtrabaho ngayon, pero mas binibigyan niya ng prayoridad ang pag-aasikaso sa mga asuntong ihinain niya, bukod du’n ay kumakain din ng mahalaga niyang oras ang pagsagot sa mga bintang na ibinabato sa kanya ngayon.

Kahit pa sabihing nakakaloka ang bintang na rape sa kanya ng isang nagngangalang Roxanne Acosta Cabanero, kailangan pa rin niyang sagutin ang mga bintang nito, maghahain din sila ng kontra-demanda kaya panibagong konsentrasyon na naman para du’n ang ibibigay niya.

Madalas din kaming tanungin ng mga tagasuporta ni Vhong kung kailan siya mapapanood uli nang regular, sabik na sa kanya ang mga kababayan natin, ang mga nakasanayan nga naman ay hinahanap natin kapag nawawala.

Bukod sa panahong ninakaw kay Vhong ng iskandalong ito ay malaking pera rin ang nawala sa kanya, kasama kaya sa pagdedemanda niya sa grupo ang pagsingil sa malaking halagang nawala sa kanya nang dahil sa pagkakabugbog sa kanya?

Sana nga ay makabalik na sa lalong madaling panahon si Vhong Navarro, kailangan na niyang magtrabaho uli, pampaalis ‘yun ng stress at ibang-iba talaga kapag meron kang inaasahang regular na kinikita dahil puwede mo nang ipangutang ‘yun.

( Photo credit to Entertainment Inquirer.Net )

Read more...