Biktima o balota

MATAGAL na namahinga sa mga pahayagan si Mar Roxas.  Umeksena si Roxas sa Tacloban City hindi para tumulong kundi para ipaalala ang katayuan sa daang matuwid ng apelyidong Romualdez at ang nasa poder na Aquino.

Nang bumuhos at bumaha ang masasakit na batikos, inaalo ng sari-saring paliwanag ang likod ng alupihan kaya’t kahit mangmang sa Barangay San Jose ay di matanggap ang palusot.

Sa Zamboanga City ay nakababad din sa mga pahayagan ang dada at mukha ni Roxas, pero wala namang nangyari.  Kung nakatulong siya ay bakit walang alalay, at kahit pakikidalamhati man, ang lungsod ngayon?

Halos araw-araw ay may namamatay sa sakit, at halos gutom, sa siksikan pa ring evacuation centers sa Zamboanga City.  Anyari? Wala ngang nangyari.

Dahil hindi na mabango, nawala na sa tabakuhan si Roxas.  Hanggang sa bumulaga siya, kasama si Herbert Bautista, sa tanggapan ni Erap sa City Hall sa Maynila.

Nakangiti ang tatlong hari dahil masosolusyonan na raw ang problema ng mga negosyante ng kargamento sa Maynila.  Pero, hindi nakangiti ang naluging mga negosyante.

Hindi nakangiti ang mga tsuper at pahinante ng libu-libong trak na sanlinggo ring walang kita. Mas lalong  hindi nakangiti kay Roxas ang taumbayan, na siya ring botante sa 2016 (dalawang tulog na lang), dahil sumisigaw na naman ang mga balita sa Inquirer Bandera hinggil sa nakatatakot at kahindik-hindik na ATM fraud, patuloy na dumaraming sindikato ng cybersex at nakapagtatakang pagkatapos ng raid ay nakatatakas ang operator (talagang ang mga pulis ni Roxas ay wala ring silbi, at huwag sanang nagmana sa amo), patuloy na ambusan at ang pinakahuling insidente ay ang pamamaslang sa huwes ng bayarang mga mamamatay-tao, paglaki’t paglawak ng ilegal na droga (pero mangangatuwiran ang mga mangmang sa gobyerno ng Ikalawang Aquino na marami nang nahuhuli.

Para sa kaalaman nila, umaapaw na ang droga kaya’t hindi na maitatago ang nakalantad na mga lutuan ng shabu), nakawan ng kotse, SUV, motorsiklo, scooter at maging pampasaherong jeepney; kidnaping, holdapan sa mga jeepney sa Commonwealth ave., Quezon City at ang di bumababang bilang ng krimen sa Bagong Silang, Caloocan, ang pinakamalaki at pinakamalawak na barangay sa buong bansa.

Anyari?  Bakit nagkaganito?  Hindi naman nagkaganyan sa panahon nina Jose Rono, Joey Lina, Nene Pimentel, Alfredo Lim at Angelo Reyes.  Sa panahon nila, hindi naman nila pinagtuunan ng pansin ang mga apelyido.

Hindi naman sila nagparetraro sa mga digmaan sa Mindanao.  Wala ring ATM fraud, bagaman maliban kay Rono, may ATM na rin noon.  Wala ring cybersex noon, bagaman ang kamunduhan ay nasa Betamax pa.

Bagaman may ambusan na rin, hindi kasing talamak na kinasasangkutan na ng mga nakamotor.  Sa panahon ni Reyes ay tumaas ang bilang ng mga mamamahayag na pinapatay.

Pero, nag-alok ng pagsasanay si Reyes, bilang bahagi ng kanyang pinag-aralan sa Philippine Military Academy at sumailalim nga sa ilang pagtuturo ang ilang mamahayag.

Sa panunungkulan nina Lim at Reyes ay kawawa’t nagdurusa ang mga pulis na inirereklamo ng taumbayan at nasasangkot sa maraming krimen.  Ngayon, ang mga pulis na nasasangkot sa masaker ay pakuya-kuyakoy lang.

Kawawang mga biktima, kawawang mga naulila ng mga biktima, sa panahon ni Roxas, sa panahon ng tuwid na daan.
Marahil ay napakarami lang ng trabaho ni Roxas at hindi na nga siya magkaugaga.

Oo nga naman. Trabaho na rin niya ngayon ang pabahay, ang bunkhouses, ang relief goods, atbp. Sa pribadong sektor, kapag ang manager o executive ay binibigyan ng multi-tasking, at nakakayanan niya ito, wala siyang pabuya dahil ito ang inaasahan sa kanya ng mamumuhunan.

Sa gobyerno, karaniwang di kaya ng mga hepe ang multi-tasking, ang dagdag trabaho.  Bukod sa meron pa silang dagdag-pondo mula sa pera ng arawang obrero, tinatawag pa silang kagalang-galang.

Dahil dalawang tulog na lang, paano hahabol si Roxas sa kakulangan sa kanyang trabaho?  Sa susunod na taon, na huling tulog na lang, ay kailangang magpabango na siya sa taumbayan, sa botante at bobotante.

Kakausapin ba niya ang napakaraming biktima ng krimen at naulila dahil sa kapabayaan at kapalpakan ng mismong mga pulis niya?  Makikipag-away pa rin ba siya sa mga alkalde dahil iba ang mga apelyido nito?

Sasakay na naman ba siya sa pedicab at hihipuin ang bislad ng mga isda sa palengke?  Gagamit ba siya ng bagong gimik dahil kapag nabasa na ang papel, ayon sa kasabihan, ay ang tungo nito ay sa basurahan?

Nabasa na ba ang papel ng pasahero sa pedicab at ang nakikipalengke? Nahaharap si Roxas sa kinabukasang di tiyak, lalo na sa politika.  Maliban na lamang kung tapos na pala ang halalan sa pamamagitan ng itim na itlog.

Pero, mas lalong di tiyak ang kinabukasan ng mga biktima ng napakaraming krimen.  Kung sila’y pababayaan ni Roxas, nahaharap sila sa madilim na kinabukasan.

Para sa mga namatay, hindi mapapanatag ang kanilang kaluluwa kung hindi kikilos at tutulong si Roxas, at alam niya iyan bilang Katoliko.

Ano ba ang uunahin sa susunod na mga buwan habang humahalimuyak na ang bulaklak ng eleksyon?  Ang mga biktima o
ang balota?

READ NEXT
Adobong Pula
Read more...