Adobong Pula


Adobo ang pinakasikat na lutuing Pinoy. Mula Batanes hanggang Tawi Tawi ay may iba-ibang bersyon nito. Hindi pa kasali diyan ang adobo ni nanay, adobo ni tiyang, adobo ni lola, adobo ng biyenan, adobo ng manugang!

Mas masarap daw ang adobo “namin” kontra sa iba, at walang tatalo sa adobo ng lola ko, sabi naman ng iba.  Kailangan pa yata ang plebisito upang mapurbahan kung sino ang nagmamay-ari ng pinakamasarap na adobo sa buong   bansa.

Mula sa mga canteen at jolly jeep, simpleng tahanan man at marangyang mansyon, adobo ang paboritong kainin. May adobo sa gata, adobong baka, adobong baboy at manok, pati na rin ang kangkong, inadobo na rin.

Puwes, ito ang sa inyo, ang aking Bandehado Adobo resipi. Sa Cavite, maraming bersyon ng adobo. Maaring ikategorya ito sa pamamagitan ng kulay: adobong pula, na kinulayan ng atsuete; adobong puti, suka lamang ang ginamit at walang toyo; dinilawang adobo, ang paboritong adobo ni Gen. Aguinaldo na may sangkap na luyang dilaw o turmeric.

Maaari rin itong ikategorya sa gagamiting sahog: manok, baboy, pato, itlog at pati na rin ang kabute. Ngunit ang adobo ay hindi kumpleto kung wala ang santisima trinidad ng bawang, pamintang buo at dahon ng laurel.

Ang karaniwang sukang ginagamit sa paggawa ng adobo sa Cavite ay ang suka na gawa sa kaong, na maaaring bilhin sa mga pondahan sa Tagaytay. Ito ay ginagawa sa mga komunidad ng bayan ng Silang, Indang at Amadeo.

Ginagamitan din ito ng suka na gawa sa tuba at niyog na gawa sa mga bayan ng Magallanes, Naic at Gen. Trias. Kung toyo naman ang pag-uusapan, mungkahi ng mga sinaunang tagapagluto ng adobo, ay toyong Tsina o lokal na toyo lamang ang dapat gamitin tulad ng tatak Coconut o ‘yung gawang China.

Hindi nila inirerekomenda ang paggamit ng toyo na galing sa Japan, tulad ng Kikoman, dahil mag-iiba ang lasa nito at hindi naaangkop sa panlasang Caviteño.

Ang sikreto ang malinamnam na adobo ng Cavite ay ang paggamit ng patis bilang panimpla. Upang umangat ang linamnam ng adodo, sangkapan lamang ito ng patis kapag malapit na itong maluto. Patis Timalan na galing sa Naic, Cavite ang rekomendadong patis ng mga matatanda.

Kapag araw ng Linggo ang mga Caviteño ay nagluluto ng kare-kare. Ang pangunahing sangkap sa paggawa ng kare-kare sa Cavite ay buntot at pisngi o kaya ay bituka at mindonggo at hindi pinaghahalo ang mga ito.

Ginagamitan din ito ng puso ng saging na haba ang hugis at hindi ang pangkaraniwang puso ng saging. Ang palaging katerno nito ay adobong manok at baboy na masabaw at mamantika.

Sinasamahan pa ito ng kilawing papaya at bagoong alamang na ginisa sa sili at bawang.  Ang klase ng adobo na pinapares ay ang adobong pula o ‘yung sinangkapan ng atsuete.

Walang makapagpaliwanag sa akin kung saan nagmula ang pagterno-terno ng pagkain, dahil ito na raw ang kinagisnan ng karamihang ng mga taga Cavite.

Mahilig talaga mag-terno-terno at pares-pares ng pagkain ang mga Caviteño. Ayon sa lokal na istoryador ng Cavite na si Gng. Puring Ballesteros, ang mga Caviteño raw kapag kumakain ay “tono-tono, con todo recado” o lahat ay nasa-tono at kumpleto ang sangkap.

Kung may mungkahi, reaksyon o katanungan, magtext po lamang sa Smart: 0947 693 0231 at sa Globe/TM: 0936 591 6380. Huwag kalimutan isulat ang pangalan at lugar. Salamat po.

Maraming salamat kay Bb. Menchit Ongpin na kumuha sa aking larawan para sa bago kong nameplate sa Bandehado.

(Editor: May tanong, reaksyon o komento ka ba sa   artikulong ito?   May nais ba kayong ipasulat o ipatalakay sa Bandera?  I-text ang pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09178052374.)

Adobong Pula

Mga sangkap
½ tasa, mantikang pula (gawa sa atsuete)
1 kilong baboy (liempo at spare ribs)
1 kilong manok na hiniwa (adobo cut), kasama ang atay at balunbalunan
2 ulo ng bawang, pinitpit, binalatan at dinikdik
1 1/2 tasang toyo
2 1/2 tasang suka na gawa sa kaong
2 kutsarang pamintang buo (bahagyang dinurog)
6 na dahon ng laurel
1 kutsarang pamintang buo
Patis at paminta na paminpla at ayon sa panlasa

Paggawa
Ang sikreto ng masarap na adobo ay ang pagbabad nito sa suka at toyo at bago pa lamang lutuin ito. Gumawa ng mantikang pula. Mag’init ng isang tasang mantika.

Kapag mainit na ito, maglagay ng dalawang kutsara ng atswete. Hinaan nang bahagya ang apoy at halu-haluin ang atsuete at huwag pabayaang masunog ito. Kapag mapula na ang mantika, hanguin ang atsuete at itapon ito.

Maaring itago ang mantikang pula ng 24-na oras, dahil madali itong maging maanta.Sa isang malaking lalagyan, paghaluin ang suka, toyo at isang ulo ng bawang na pinitpit, binalatan at dinikdik.

Ilagay ang pirapirasong karne ng baboy at manok at haluhaluin ito at siguraduhin ang bawat piraso ng karne ay nahilamusan ng  pinaghalong suka at toyo. Takpan at ibabad ito ng tatlong oras.

Matapos ang tatlong oras, alisin ang manok at baboy sa pinagbabaran, paghiwalayin ang baboy sa manok at ilipat sa malinis na lalagyan. Ilagay sa isang tabi ang pinagbababaran at huwag itong itapon.

Sa isang malaking kaldero, mag-init ng ¼ na tasa ng pulang mantika at igisa ang natirang ulo ng bawang.Kapag nangangamoy na ito, sangkutsahin muna ang baboy hanggang magsilabasan ang mantika nito.

Alisin ang baboy sa kaldero at isunod naman ang manok. Sangkutsahin din itong mabuti. Ibalik ang baboy sa kaldero at ibuhos ang pinagbabarang suka at toyo, kasama ang dahon ng laurel at pamintang buo.

Takpan ang kaldero at laksan ang apoy hanggang ito ay kumulo. Pag nagsimula na itong kumulo, hinaan ang apoy at pabayaan itong pasubuhin ng 45 minuto sa mahinang apoy.

Ang adobo, habang tumagal ay higit na sumasarap. Minsan, nilalagay muna ito sa refrigerator ng isang araw bago ito muling initin at kainin.

Kapag may naiwang adobo, maaaring himayin ang mga hibla ng manok at baboy at tustahin ito sa naiwang salsa at mantika. Patuyuin ang salsa nito upang maging malutong ito. Maaari itong ipinapalaman  sa mainit na pan de sal.

Read more...