MIAMI — Nagpalit si LeBron James ng maliwanag na protective mask subalit hindi naman ito nakaapekto sa kanyang shooting eye matapos umiskor ng 20 puntos at tulungan ang Miami Heat na iuwi ang ikapitong sunod na panalo nang talunin ang Orlando Magic, 112-98, sa kanilang NBA game kahapon.
Dahil sa pakiusap ng NBA, pinalitan ni James ang kanyang itim na protective mask na sinuot niya noong Biyernes sa unang pagkakataon matapos magkaroon ng bali sa ilong.
Sumablay lamang siya ng apat na tira at humablot ng siyam na rebounds at nagbigay ng pitong assist. Gumawa naman si Dwyane Wade ng 24 puntos habang si Chris Bosh ay nag-ambag ng 20 puntos para sa Heat, na tumira ng 58 porsiyento.
May 11 manlalaro ang umiskor para sa Heat at ang bench nila ay may kabuuang 39 puntos. Pinangunahan ni Tobias Harris ang Orlando sa kinamadang 20 puntos habang si Nikola Vucevic ay nagdagdag ng 18 puntos.
Clippers 108, Pelicans 76
Sa Los Angeles, gumawa si Chris Paul ng 21 puntos at walong assists habang si Blake Griffin ay nag-ambag ng 20 puntos bago pinaupo ang dalawang All-Stars sa ikaapat na yugto sa tambakang panalo ng Los Angeles Clippers laban sa New Orleans Pelicans.
Hindi naman nakalaro si Danny Granger para sa Clippers bunga ng teknikalidad sa aktibong lineup ng koponan.Si Tyreke Evans ay nagtala ng 22 puntos at siyam na rebounds para sa New Orleans.
Hindi naman nakapamayagpag sa laro si Anthony Davis matapos matawagan ng tatlong foul sa unang pitong minuto nito sa loob ng court at nagtapos siya na mayroong walong puntos.
Rockets 118, Pistons 110
Sa Houston, gumawa si Terrence Jones ng 22 puntos at 10 rebounds para pangunahan ang Houston Rockets sa panalo laban sa Detroit Pistons.
( Photo credit to INS )