BAalde-baldeng luha ni Ogie nasayang lang


PARANG lumang tao si Ogie Alcasid nang dumalo sa grand presscon ng tawaserye ng TV5 na Confessions of A Torpe noong Miyerkules ng gabi. Bigla tuloy naming naalala ang awitin ni Sheena Easton na, “Let’s Get Physical”.

Bukod kasi sa naka-shorts ng hapit ang aktor ay naka-wig pa ito nang makapal. Ganito kasi ang itsura ng mga tao noong dekada 80, di ba, bossing Ervin? Kaya tiyak na maraming makaka-relate sa itsura ni Ogie sa nasabing programa.

Say nga ng TV host-comedian-songwriter, “Ito kasi ang itsura ko during the 80s, pero nu’ng present time na, nagbago naman ako, siyempre hindi na ganito.”

Torpe ang karakter ni Ogie sa Confessions of a Torpe na may gusto sa isang babae na hindi niya maligawan dahil parati siyang natutulala at nahihimatay kapag kaharap na niya ito.

“Parang me nag-curse sa akin na nagsimula nu’ng 80s, ito ang pilot namin. Patay na patay ako kay Monique (Alice Dixson) tapos ang itsura ko, mukha akong loser, hindi ko man lang nasabi sa kanya ‘yung nararamdaman ko kaya tuluyan na akong naging torpe kaya hindi na ako nagkaroon ng girlfriend ever.

“Until nu’ng nag-reunion kami (after college), dito na nagsimula ‘yung present day kaya bumalik ‘yung pagkagusto ko kay Alice,” patikim ni Ogie sa takbo ng kanilang serye sa direksiyon ni Soxy Topacio.

Torpe ba siya sa tunay na buhay? “Hindi ako ganu’n, eh. Makapal ang mukha ko at friendly!” mabilis na sagot ng aktor.
Hindi pala siya torpe  kaya ang tanong namin, paano siya nakaka-relate sa karakter niyang si Tupe? “E, pag sinuot ko na ‘yung costume ko at nabasa ko na ‘yung script, mararamdaman ko na, siyempre, si Alice ba naman ‘yung kaharap ko, tatamaan ka talaga ng inferiority complex,” say niya.

Oo nga, mukhang hindi torpe si Ogie kasi naitago nila ni Regine Velasquez sa matagal na panahon ang relasyon nila, tanda mo bossing Ervin? (Naman! Tandang-tanda ko pa Reggs! Ha-hahaha! – Ed)

Anyway, inamin ni Ogie na  nalulumbay pa rin ang Songbird sa pagkawala ni Mang Gerry. “Siyempre, still mourning. Hindi naman iyan madali.

There are still days na she’s having a hard time. But sabi nga niya sa akin, she’s at peace that she knows that her dad is in heaven,” kuwento ni Ogie.

Isa sa ginagawa ni Ogie para maibsan ang kalungkutan ng asawa ay ikinukuwento niya ang mga nangyayari sa taping ng Confessions of A Torpe, “Humihingi rin kasi ako ng opinyon sa kanya.

Cute na cute siya doon sa kuwento namin (ni Alice). Minsan sasabihin niya, ‘Sana gawin niyo ‘yan ni Alice. Sana gawin niyo ‘yan ni Gelli (de Belen).’

“And you know, my wife is very supportive of what I do and nakakatuwa naman yun. Hindi puwedeng hindi ko ikuwento kasi tuwang-tuwa siya sa ginagawa namin, e,” masayang kuwento ni Ogie.

Pero ang anak daw nilang si Nate ang nakakawala talaga ng lungkot ni Regine, “Si Nate ‘yung nakakapawi ng lungkot niya, e. Kasi pag nakikita niya si Nate, nakikita niya ‘yung Papa niya.
“Si Nate kasi medyo hawig ni Papa. But Nate is ‘yung nakakaaliw na bata, e. He’s very charming, very smart. Tawa lang kami nang tawa sa bahay.

So, you know, nakakapagdulot talaga siya ng kasiyahan sa amin,” masayang sabi pa ng singer-actor. Ang Confessions of A Torpe ang kapalit ng na-shelve na programa Ogie na The Gift at inamin nitong disappointed siya dahil baka hindi na ito matuloy, “You know, nanghihinayang ako for the rest of the crew kasi they were nakaporma na sila na magtatrabaho sila nang matagal.

“But here’s the thing, may mga bagay na wala tayong control. And the thing about our network, if they felt na, ‘Okay na huwag muna ito at that time, huwag muna nating ilabas ito dahil feeling natin dito muna tayo sa comedy,’ e, okay ako doon.

“Kasi, kaysa naman ilabas na natin na hindi maganda yung reception, doon na tayo sa lahat tayo nag-a-agree na, ‘Sige, ito muna ang gawin natin, ‘Yun ang point doon.

“But did I get disappointed? Of course, grabe ‘yung trabahong ibinuhos namin doon. It’s a drama, we were tired, I was crying all the time in almost all of the scenes.

“Almost, siguro two weeks na yung na-tape namin, marami-rami  na rin ‘yun. But having said that, minsan kasi ganu’n, e, may plano ang Panginoon na hindi natin alam, e.

So, when this, came up, ‘Aba, parang okay din ito.’ E, di sige,” kuwento ni Tupe. Mapapanood na ang Confessions of A Torpe sa Lunes, Marso 3 sa TV5.

Makakasama rin nina Ogie, Alice at Gelli rito sina Wendell Ramos, Bayani Agbayani, Jojo Alejar, Shaira Mae, Albie Casiño, Gerard Acao, Mark Neumann at Ms. Pilita Corrales.

Read more...