PBA PAGMUMULTAHIN ANG RAIN OR SHINE

DOBOL black-eye ang nakatakdang tanggapin ng Rain or Shine sa Philippine Basketball Association (PBA).

Bukod sa tinalo sila ng San Mig Coffee sa Philippine Cup Finals, 4-2, Miyerkules ng gabi ay tiyak na parurusahan pa sila ni PBA commissioner Chito Salud.

Ito ay bunsod ng ginawang pag-walkout ng Elasto Painters sa second quarter ng Game Six sa Smart Araneta Coliseum.

Ayon sa inamyendahang PBA by-laws, ang “partial walkout,” ay may katumbas na multang P2 milyon at ang “total walkout” ay may katumbas na multang  P10 milyon.

Ang mga multang ito ay itinaas matapos na huling makaranas ng walkout ang liga noong 2010.

Nilisan noon ng Talk ‘N Text ang laro ngunit bumalik para tapusin ang Game Four ng PBA Philippine Cup quarterfinals series kontra Barangay Ginebra at pinagbayad ng P1 milyong multa.

“The rules on walkouts, partial or otherwise, are clear and we will enforce them accordingly,” sabi ni Salud sa isang kalatas.

Tinawagan ng foul si JR Quinahan, may 11:37 pa ang nalalabi sa ikalawang yugto at naghahabol ang Elasto Painters, 17-30. Sa pananaw ni Rain or Shine coach Yeng Guiao ay mali ang tawag na ito kaya minanduhan niya ang kanyang mga manalalaro na tumungo sa dugout.

Ilang minuto pa ay bumalik naman sa playing court ang Rain or Shine matapos na kausapin nina Salud at   PBA media bureau chief Willie Marcial ang isa sa team owner ng koponan na si Raymund Yu.

Nakabawi naman ang Elasto Painters sa laro at naagaw pa nito ang kalamangan sa Mixers, 65-62, sa ikatlong yugto.
Pero hindi nagpatinag ang San Mig Coffee sa ikaapat na yugto para masungkit ang 93-87 panalo at ang kampeonato.

“I don’t want one thing to be lost in all these — my respect and admiration for the players of both teams who gave it all for the game and the fans. I commend them. They are a credit to the sport and they did the PBA proud,” dagdag pa ni Salud.

Read more...